Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Nagbunyi si Sisa nang mapagtanto
Mayroon pang isang Pilosopong Tasyo
Ngunit ang makabagong mundo ay nasiphayo
Sa lumutang na mga Rizalistang nagbabalatkayo.

Ang Bagumbayan ay naluma at nagiba
Sa kanilang drama, gimik at adhika
Humuhupa ang iyakan sa melodramang palabas
Habang kay Padre Damaso ay humihingi ng basbas.

Ang buwan ay nalulunod sa lalim ng gabi
Ang mga tala ay isa-isang nagsisitabi
Umaapaw ang dugo, mula sa kalis ay nakakalos
Habang ang magagaspang na kamay kay Sisa ay humahaplos.

Humalakhak, nagdiriwang imbes na tumulong
Ang mga tanikala sa kamay niya ang nagkukulong
Minamalas lang ng mga Rizalistang baliw
Habang ang mga demonyong hari ay naaaliw.

Ilan pang semilya, ilan pang halik, kagat at laway?
Mula sa Leon, Agila, Hapon at mga kaibigang kaaway
Ang dadantay sa kanyang katawan, sa kanyang kaluluwa
Natutuyo na kahit pa tayo mga isla, ang ating perlas sa aplaya.

Sagana man tayo sa tubig ngunit hindi sa pag-ibig
Sinisimot ang kalikasan, nasasaid, sa ganid ay tigib
Marami raw makabayan ngunit di natin maramdaman
Nalulunod sila sa alon ng mga salapi at kapangyarihan.

Si Sisa ay umiiyak, nagtatanong, nababalot ng dalita at lungkot
Sa pinagdaanang hirap, pasakit, buhay niya ay masalimuot
"Sino nga ba ang baliw, ako nga ba?" kanyang tanong
O ang mga makabayang Rizalistang sa atin ay kumakanlong.

Ilan pang mga Crispin at Basilio ang ibubunga?
Ng mga gahasa ng tampalasan at demonyong semilya
Umaamot ng awa, si Sisa kong mahal, Perlas ng Silanganan
Nilapastangan ng mga kunwang makabayan at mga dayuhan.

Nagbunyi si Sisa nang mapagtanto
Mayroon pang isang Pilosopong Tasyo
Ngunit ang makabagong mundo ay nasiphayo
Sa mga Rizalistang nagbabalatkayo.

Pagkat ang mga Rizalistang baliw ay nakipagsabwatan, nagpaalila
Sa mga ganid na dragon at sa mga lobong maninila
Si Pilosopong Tasyo ay tumatangis, tumutula
Upang si Sisa ay ganap na lumipad, lumaya.




Comments

Popular posts from this blog

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God