Mga kuwentong tindero ni Maestro Pedro presents Series # 3: Ang Buhay Estudyante

Ang Buhay Estudyante

Ala-sais ng umaga, napakalakas ng ulan na sinasabayan ng malakas na ihip ng hangin, madilim pa ang paligid at sa palagay ko ay walang pag-asang lumiwanag o sumilay man lang ang Haring Araw.  Binuksan ko ang telebisyon sa tindahan upang makasagap ng balita tungkol sa lagay ng panahon.

“Kuya, pagbilhan nga po ng colored paper na kulay asul at pula, saka plastic envelope” sambit ng batang lalake na sa tingin ko ay nasa ikatlo o ikalawang grado pa lamang.   Tsinito ang bata na nagmukhang basang-sisiw dahil sa malakas na hampas ng ulan sa kanyang payong.

“O bakit sumugod ka pa sa ulan? at hindi ka man lang hinatid ng iyong magulang, mukhang ide-declare na naman na walang pasok ngayong araw” ang sabi kong naaawa sa bata.

Ngumiti ang bata sabay sagot na “ Kuya, wala na po akong nanay at tatay, yung lola ko naman nakaalis na rin po kasi nagtitinda siya sa Tulay, okay lang naman po kasi malapit lang naman ako sa eskuwelahan”.  “Pero pabili pa rin po nung colored papers at plastic envelope kasi sa bahay ko na lang po gagawin yung assignment namin kung wala pong pasok ngayon, di ko po kasi nagawa kahapon” dagdag niya.

“ Walang pasok sa Kalakhang Maynila ayon sa Kagawaran ng Edukasyon dahil sa Habagat na nararanasan natin sa sandaling ito at patuloy na mararansan sa mga susunod na dalawa o tatlong oras, eto po ay para mapangalagaan ang ating mga estudyante at makaiwas sa lalong malaking pinsala kung sila ay nasa labas ng kanilang mga tahanan”.  Ang sabi ng news-anchor ng isang pang-umagang programa sa telebisyon.

“Lance Gabriel Velez, eto na yung binibili mo at umuwi ka na agad sa bahay niyo para di ka abutan ng baha” ang sabi ko sabay abot sa bayad niya.

Napangiti ang bata sabay tingin sa kaniyang I.D.

“Salamat po Kuya Peter Adam Petros”, ang sagot niya sabay alis na nakangiti.

Natawa ako sa nangyari, matalas ang bata, Wow.

Nakita kong maraming mga bata ang lumalabas ng eskuwelahan para umuwi na rin sa kani-kanilang bahay.  Eto ang buhay-estudyante.


“Pedro, gising na!" ang sabi ko sa aking sarili kasi kailangan kong maagang pumasok dahil Second Periodical Test ngayon.

Nagplantsa ako ng polong isusuot ko, yung itim na pantalon ay yung isinuot ko rin kahapon.  Walang ribyu-ribyu sa akin. Kung ano ang napakinggan ko sa aking guro ay yun ang nagrerehistro sa aking utak. Nagmamadali kong kinuha yung bag ko na sira ang siper kaya hindi ko masabit sa likuran ko at ang plastic bag na may pangalang "Herway" na kulay pink para sa mga libro ko.  Kasya lang kasi ang mga notebooks ko sa bag kong kulay green. Patay mukhang uulan pa, lalakarin ko ang tulay.  Di ako makakatawid sa tawiran (at makakasakay ng bangka) kasi ang dalawang piso na baon ko ay ibabayad ko sa xerox na test paper.   Maaga lang naman din ang uwian pag ganitong exam lang.  Sa bahay na lang ako kakain pag-uwi.

Bumuhos ang ulan, buti na lang plastic ang superhero kong "Herway" na bag, sinilid ko ang bag kong green sa loob nito, pinagksaya, bawal siyang mabasa kasi tela ito, kundi basa rin ang kinabukasan ko dahil di pa natse-tsekan ang mga notebooks ko.  Sumilong muna ako, kasi di na kaya ng powers ko at ng superhero kong bag na pink ang lakas ng ulan.

Limang minuto na ang nakakaraan, ganun pa rin ang buhos ng ulan.

Sampung minuto na, ganun pa rin ang buhos ng ulan.

Parang ayaw nang tumigil, nagagalit ba ang langit sa mga batang katulad ko na nagsisikap makapag-aral, paano ako makakapag-test niyan?

"Diyos ko, tulungan Mo po ako", ang sambit ko.

Humahangos ang traysikel na papalapit sa harapan ko, ngumiti ang driver, "Iho sakay ka na at ang sakay ko ay mga estudyante rin ng school ninyo", sigaw nito.

Di ako nag-dalawang-isip at sumakay agad ako sa likuran ng driver, "bahala na ang bayaran, pero inalok niya ako, libre siguro", ang bulong ko sa sarili.

Late ako ng sampung minuto pero ayos lang, nagmamadali akong bumaba ng traysikel at bantulot pang umalis sa harap ng driver.

"Wag mo nang bayaran, libre yon, nakita na kita kanina pang nakasilong dun sa tindahan at alam kong wala kang pambayad kasi di mo pinapara ang mga nagdadaang traysikel na walang laman, kaya nang may nasakay akong mga estudyante,  isinakay na rin kita, alam kong test ninyo ngayon kasi diyan din nag-aaral ang anak ko" ang mahaba niyang litanya.

"Salamat po", ang tangi kong nasabi sabay nang mabilis na lakad para makarating sa classroom namin.  Malakas ako sa Diyos, ang naibulong ko.

- - - - - - -

Hindi kasi sinuwerte ang aking mga magulang sa buhay at doon lang kami kayang pag-aralin, sa PUBLIC SCHOOL.

Naalala kong minaliit kaming mga nasa pampublikong eskuwelahan nung isang magulang na ang anak niya ay nasa isang exclusive school for boys sa aming siyudad, nakasabay namin sa jeep nung papunta kami sa isa naming kaklase para gumawa ng group project.  Mababa raw ang kalidad ng pagtuturo sa mga public schools at mahihirapan daw makakuha ng magandang trabaho ang mga katulad namin sabi niya kunyari sa kasama niya sa jeep, sa kasamaang-palad kilala ko siya at kalugar namin.

Ngayon, ako ay nagbibilang ng mga pera sa bangko.

Yung anak niya, nabuburyong at nagbibilang ng mga butiki sa kanilang kisame at kuwarto.

Naaalala ko rin na ang presidente ng kumpanya na nag-interview sa akin sa una at pangalawa kong trabaho ay galing ding public school.

Nasa bata yan.

- - - - - - - - -

Sa kolehiyo ay nakagawa ako nang paraan upang malibre ako sa matrikula at magkaroon ng mga libro, pumasok ako sa Library ng aming unibersidad bilang isang Student Assistant.

Eto ang mga problema ng mga estudyante, ang matrikula at libro.  Iskolar ako dahil sa pagiging Student Assistant at nagkaroon ako ng libreng access sa lahat ng mga librong kailangan ko habang ako'y nag-aaral.

Natamaan ko ang dalawang ibon sa isang bato, anupat di magiging Pedro ang pangalan ko at Petros ang apelyido ko kung di ako magaling sa batuhan, "sure shot" ika nga.

Nakatapos akong may karangalan.   At ang sumunod na mga pangayayari ay napabilang na sa mga nawalang pahina ng aking kasaysayan at memorya.

- - - -  - - - - - -  - - -

Oo nga pala ang napangasawa ko ay anak noong traysikel driver na naglibre sa akin noong highschool ako.

Nakilala ko ang anak niya noong nasa kolehiyo na.  Ganyan maglaro ang kapalaran o hindi larong masasabi kundi ganyan tinakda ng Diyos ang ating kapalaran.

Natatandaan kong pinakilala ako ng aking dating nobya (ngayon ay asawa na) sa kanyang itay na noon ay nag-aalala na dahil ginabi nang uwi ang kanyang unica hija. Galing kasi kami sa isang kaklase upang gumawa ng thesis at magpatulong din upang humanap ng pag-o-ojt-han niya.

"Itay ito po si Peter. Peter ang tatay ko", ang pakilala ni Marie ang aking nobya.

Papaano ko malilimutan ang isang anghel na sinugo ng Diyos sa oras ng aking kagipitan noon. Ang masayahing mukha ng anghel na ito ay nasilayan ko ulit. Na ang dalang grasya ay tila bumubuhos mula sa kalangitan kasabay ng ulan.

"Ah Pedro kamusta na?, tanong ni Itay.

"Tay Peter po", sabi ng aking ex-GF.

"Parehas din yon Peter, Pedro, ibig sabihin bato, di ba? Tanong na nakangiti sa akin.

"Opo", ang mabait kong sagot.

"Ako'y walang tutol sa inyo kung kayo ma'y nagkakamabutihan, dahil naniniwala ako na ang buhay na walang pag-ibig ay hungkag" ang malalim niyang sabi sabay ngiti.

Kaya alam niyo na kung ano ang nangyari makalipas ang tatlong taon.

- - - - - - - -

Gumanda ang kalagayan ng bayan kong sinilangan dahil sa nagkaroon ng disiplina ang mga tao at nagkaroon ng giyera laban sa kriminalidad at droga. Ito ay sa pangunguna nung nanalong pangulo na galing sa South. Sinundan ito ng Pangulong kaalyado niya rin na pinagpatuloy ang kanyang magandang nasimulan, pagkatapos noon ay isang presidenteng babae na naging maayos rin naman ang pamumuno pero ito ay dahil na rin sa nasanay na disiplina ng mga tao sa lipunan.

Sa ngayon nakakatatlong taon na bilang pangulo si mayor, ang 'natulungan' kong alkalde ng aming lungsod dalawamput-isang taon na ang nakakaraan.

Iba na ang aking tindahan, kasabay ng pag-asenso ni mayor sa pulitika ay ang pag-asenso ng aking kabuhayan.

Ang anak kong panganay ang namamahala ng R & L Garments, Inc.

Ang bunso kong anak ay sinasanay ko para pamahalaan ang labinlimang branches ng aking 24/7 Convenience Store na pinag-aaralan at kinukunsidera niya rin ang expansion thru franchising.

Habang ang aking pangalawang anak ay isa ng abogada at namamahala sa legal affairs ng aming kumpanya bukod pa sa pagiging board of director.

"Daddy, meet my friend Atty. Lance Gabriel Velez", bungad ng aking anak galing sa kanyang opisina.

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

My life is like a rainbow