Ef Bi by Papanie Susej

Ang kasikatan mo sa FB
ay katulad ng pagiging milyonaryo mo
sa paglalaro ng monopoly.

Sa likhang ito ni Mark Zuckerberg at mga kasamahan, ang buhay ng mga tao ay tuluyang nadala sa mundo ng imahinasyon at kaipokrituhan.

Halika at pumunta tayong saglit sa mundo na puno ng imahinasyon. Saglit lamang at huwag kang tumira nang matagal.

Dito mo lamang mararanasan na magkaroon ng kaibigan na hindi mo naman kakilala.  Kapitbahay mong kapag iyong nakasalubong ay hindi mo man lang mabati, mangitian at makamusta. Pero kaibigan mo sa mundo ng kaipokrituhan.

Dito mo makikita ang nagraramihan at nagsasarapang pagkain na handa ng kapitbahay mong naputulan ng kuryente kanina.

Dito mo makikita ang post ng nagmamahalan na magkakamag-anak na nagmurahan at naghabulan ng kutsilyo kahapon dahil sa inutang na pera.

Dito mo makikita si manang na madalas sa simbahan o kapilya pero kung makapagmura sa anak ay huwag na lang....naku pu!@*#'!a!

Dito mo makikita si kapitan na kasama ng mga pulis na nagooplan-tokhang, na ang drug den ay nasa likuran ng barangay hall lang.

Dito mo makikita ang isang taong libo-libo ang friends pero nung namatay mabibilang mo sa daliri ang nakiramay.

Dito mo makikita ang magkaakbay na mag-kabarkada at drink mate sa inuman na karelasyon ng misis pala ang kaibigan.

Dito mo makikita si Inday na nagpopost sa condo.  Pagkatapos maging alipin at siya mismo ang ilampaso ng amo.

Dito mo makikita ang kaklase mong feeling milyonaryo ngunit hinahabol ng banko.

Dito mo masisilayan ang class valedictorian ninyo nung HS  na masayang masaya sa Canada.....na hiwalay sa asawa.

Dito mo makikita ang kaopisina mong abala sa trabaho -- sa pagiging tsismoso.

Dito mo makikita ang mag-asawang nagpapalitan ng posts na I Love You sa isa't isa pero hindi nag-uusap sa bahay at hiwalay pa ng kuwarto sa pagtulog.

Dito mo makikita ang mga dati mong kaibigan na nag-friend request na di mo ma-accept kasi naalala mo may utang ka pa sa kanila matagal nang panahon ang nakalilipas.

Dito mo makikita ang kapatid mong super yaman na mahilig mag-out of town, maraming sasakyan at relo pero hindi madalaw ang mga magulang dahil malayo raw, sobrang trapik at walang oras.

Dito mo makikita ang mga paring maka-diyos na nangangaral ng pagpapatawad sa isa't isa pero hindi makalimutan ang mga nagawa ni Marcos.

Dito mo makikita ang kaibigan mong aktibista na may ipinaglalaban na mahilig mag-rally, na ang ipinaglalaban ay ibaba ang tuition fee, nang malibre ang tuition fee, nagrally pa rin. Wala lang, nabored, gusto lang nilang mag-rally.

Dito mo makikita ang mga atheist na kaibigan na pag christmas ay namamasko at nakikisaya, pagkatapos ng pasko hindi na ulit sila maniniwala sa diyos at sa kristo.

Dito mo makikita ang happy family, kumpletong pamilya sa pagdalaw ng daddy sa bahay ng orihinal na pamilya dahil birthday ng bunso. Maya-maya uuwi na ang daddy sa kabit niya.

Dito mo makikita ang post ng mestisa, mayaman at maganda mong kaibigan na nag-iisa sa buhay na nalulungkot at nilalamig sa aircon niyang kuwarto.

Dito sumisikat ang mga guwapo't magaganda, ang magagaling kumanta, dito rin tinitira ang mga hambog at mapang-abuso, nandito kasi ang mga mapanghusga, nasa basurang media. Samantalang ang totoong lumalaban sa buhay ay nasa isang sulok ng lipunan -- nag-iisa at naghahalukay ng basura, hindi alam ang social media.

Dito mo makikita ang mga konsehal at mayor ninyo na tumutulong sa mahihirap na nagbibigay aginaldo pa tuwing pasko na nagbibigay ng pera sa mga nasunugan, na ang pitumpung porsiyento ng nakalaang pondo ay binubulsa naman.

Dito mo makikita ang naglalaban sa pulitika na pula at dilaw, parehas na may malasakit daw sa bayan. Pagsamahin ninyo na lang ang inyong kulay, magiging orange iyan, kaya lang babalik tayo kay Erap o babagsak tayo kay Binay.
Kaya Red na lang muna for bloody war on drugs.

At sa huli, dito mo pa rin makikita ang crush mo noong college na hindi mo malapitan dahil sa taas ng standard sa manliligaw, at ngayon makikita mo ang post niya tungkol sa partner niya na kung hindi 'invisible' ay 'never mind' naman ang hitsura, malalaman mong mas may panget pa pala sa iyo. Teka lang ito nga pala ang number one na exception sa Facebook - nagbibigay rin pala ito ng realidad ng buhay kasi mapapatunayan mo ang kasabihang "sa kapipili napunta sa bungi" Peace man.

Dito ninyo ako makikita, isang kaibigan na nakikiusyoso lamang sa buhay ninyo. Isang dakilang tsismoso.

Pakilike nyo naman o pusuan ninyo. Lol.

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

My life is like a rainbow