Ang aming palasyo

Sa lilim ng mayabong na punong kawayan
Sa likod ng mala-edeng halamanan
Sa gilid ng puno ng manggang hitik sa bunga
Napalilibutan ng mga bulaklak na kahali-halina
Ay ang bahay-kubong minana kay lola
Palasyo ang turing ng abang nakatira
Sapagkat kaligayahan dito ay matatagpuan
Kapayapaan ng isip humahalik sa kalooban
Kaulayaw ang halakhak ng mga anak
Naglalaro sa paligid na nakayapak
Sariwa ang simoy ng hangin
Galak ang humahalik sa damdamin
Ang ngiti ng asawa na ubod ng tamis
Ay nagbibigay ligaya nang labis-labis
Sasalok mula sa banga ng tubig
Ang kaning ihahain ay kaibig-ibig
Ang ulam na isda na isasawsaw sa kamatis
Ay pagkaing siyang pinakananais
Ng mga hari at reyna ng siyudad
Na kaligayahang tunay ang hangad
Ngunit sila ay napapaisip
Ang kasagutan ay di malirip
Na paanong mamuhay nang walang takot?
Di nila maisip na simpleng buhay ang sagot
Na hahaluan ng pagmamahalan
Hatid ay parang langit sa kalupaan
Ito ang pinagmamalaki kong kaharian
Isang bahay-kubo sa kabukiran
Na sa pagsasama namin ay walang maka-gugupo
Tulad ng palasyong itong pag-ibig ang nagtayo.

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

My life is like a rainbow