Chapter 12: Ang pag-iibigan nina Blu at Eliz
Chapter 12
Ang Pag-iibigan nina Blu at Eliz
Ang Eris o Buwan ay isang malaking satelayt na bilog na nababalutan ng lupa sa magkabilang bahagi nito, ang gitnang parte o sa loob nito ay isang malaking istraktura na laboratoryo at planetarium. Dito humimpil sina Blu at Agarpa, kasama ang mga piling tauhan upang manmanan ang progreso hindi lamang ng Daigdig pati na rin ang unang bahagi ng sistemang araw mula sa Talang Araw hanggang Marte at ang ikalawang bahagi naman na mula Hupiter hanggang Neptuno ay sa I’yo na satelayt ang pinakalaboratoryo at planetarium na ipinagkatiwala ng Supremo ang gawaing pagmamasid kay Reki ng Sartana.
Ang paghimpil nila ay upang mamonitor na rin ang magiging pagtakas o galaw nila Senki at mga tauhan nito, ang paggawa ng mga ito ng mga portals at ang napipintong digmaang-nukleyar sa Daigdig.
Makailang beses na rin silang nakaranas na may mga ibang nilalang na taga-ibang planeta at sistema ang kanilang namomonitor na papalapit sa Daigdig ngunit agad din nilang sinusuway sa pamamagitan ng signal galing sa Eris, at nagbibigay sila ng simbolo bilang kautusan ng Konsilyo ng Kosmos. Agad namang tumatalima ang mga nilalang na ito ngunit may ilang mga nilalang talaga na taga-ibang galaktika na nakakalusot at nakakarating sa kalupaan ng daigdig sapagkat iyon ang kanilang kapalaran.
Sa Eris na hinihimpilan nila Blu ay mayroong Kronobisor na kaniyang naimbento sa pahintulot na rin ng Supremo. Ito ay parang portal din na may screen na nagpapakita ng hinaharap ng isang planeta at ang nakaraan nito. Ito ang batayan niya ng panahon ng mundo. Nalalapit na talaga ang kawakasan nito, ang kasaysayan at hinaharap lang ng mga lupain ang makikita rito hindi ang kasaysayan at hinaharap ng mga nilalang. Kaya naroon pa rin siya upang tugisin si Senki na ang kaharian at ang mga piling tauhan nito ay lumipat na sa isang malaking sikretong piramide sa pinaka-timugang bahagi ng Daigdig na nababalutan ng yelo at walang naninirahan na mga tao. Sapagkat inilihim na nila ang kanilang eksistensiya sa mga tao na umunlad na nang husto ang kaalaman, ngunit ang mga piling matataas ng pinuno ng mga bansa ay lihim na nakikipag-ugnayan pa rin sa kaniya bilang pinaka-pinuno nila.
“Hindi nalalaman ng mga pinuno ng bansa ang kapahamakang darating sa kanila dahil sa udyok na rin ng katusuan ni Senki, sa loob nila ay ang pagkawasak, walang ibang planeta ang lulusob o sasakop sa kanila, sila-sila ang wawasak sa kanilang planeta,” ang sabi ni Blu sa mga birong kasama niya.
----------00000--------
“Tita, Tita Eliz, gising na!, tanghali na!” ang panggigising ni Colette sa kaniyang tita.
Napuyat si Eliz kagabi kasi hindi siya dalawin ng antok sa hindi niya malamang dahilan kaya nakagawa na lamang siya ng isang tula, binasa niya ang nasulat niya sa kaniyang notebook. Naalala niya habang ginagawa niya ito ay pinagmamasdan niya ang bilog na buwan na nagbigay inspirasyon sa kaniya at panunumbalik sa hilig niya sa pagsusulat, ang kagandahang likha ng Diyos at iniisip niya ang pag-iibigan daw nila ng lalaking kaniyang napanaginipan sa nakaraang tatlong magkakasunod na gabi na nakatira raw sa buwan.
Naalala niyang naikuwento niya rin ito kay Dra. Loisa, ang matalik niyang kaibigan sa ospital na kaniyang pinapasukan.
“May kahulugan ang mga panaginip mo Eliz,” ang nakangiting tukso sa kaniya ng magandang doktora na ang asawa ay isang heneral sa Marines habang kumakain sila sa canteen ng ospital.
Pinasadahan niya ng sulyap at ngiti ang kaniyang nagawang tula.
Magsusulat pa rin ako, magmamahal at magtitiwala sa Diyos
Lumabas man ang mga anghel sa Hades
At ang langit man ay magkulay itim
Ang mga dagat man ay muling pumula
Ang pag-ibig ko sa iyo ay walang kaparis
Puno man ng hapis at panimdim
Ilalapat ko pa rin ang aking pluma at tinta.
Takpan man nila ang aking mga mata
Igapos ang aking dila sa pagpinid ng bibig
At ang mga kamay at paa ko ay itali sa takot
Di matitinag ang aking puso at kaluluwa
Palalayain ako ng aking pag-ibig
Kapayapaan sa akin ay babalot.
Mawalan man ng ningning ang mga bituin sa langit
At ang buwan man ay panahanan ng ibang karunungan
Magmamahal at magsusulat pa rin ako
Ang buhay man ay pumusyaw at pumangit
At yakapin ng hilahil, kamatayan at panambitan
Magtitiwala at magsusulat pa rin ako.
Ang luha man at dugo ang aking maging tinta
Bumulusok man ang mga pangarap at maging bangungot
At ang mansanas man ni Esteban ay mabulok o maubos
Gagapang ang isip ko sa mga pahina
Ang ispiritu ko ay lilipad at hindi malilimot
Ang pag-ibig, pagsusulat at pagtitiwala ay malulubos.
Kung ang mundo man ay paandarin na lang ng mga baterya
Wala ng puso, namatay at nilumot na ang damdamin
At ang komunikasyon ay nawalan na ng haplos
Umunlad na at nasa lundo na ang teknolohiya
Sa mga plastik na rosas ay wala ng bangong masimsim
Magsusulat pa rin ako, magmamahal at magtitiwala sa Diyos.
“Tita, baka mahuli ka na, inlab ka ba tita? Bakit naka-smile ka diyan?” ang basag ni Colette sa kaniyang pagbabasa.
Si Colette, ang pamangkin ni Eliz ay pitong-taong gulang na batang babae na biba at palatanong. Sa murang edad nito ay nakikitaan niya ng interes sa astronomiya, makailang beses na siyang tinanong nito kung saan naggaling ang Diyos. Bakit maraming mga bituin sa langit? Hanggang saan ang kalawakan? Nasaan ang Mars? Bakit parang ilaw ang buwan? Ano ang Milky Way?.
“Tita Eliz, may napanood ako sa T.V. ang dami-daming stars and yung Earth ang liit-liit lang, totoo ba iyon? Gawa ba talaga iyon ni God? Saan ba nanggaling talaga si God? May mga angels ba talaga?” ang sunod-sunod nitong tanong.
Ngumiti na lang siya sa kaniyang pamangkin habang pupungas-pungas pang bumangon sa kanilang kama.
Anak ito ng kaniyang pinsan na babae na nakasama niya rin sa boarding house ngunit namatay dalawang taon na ang nakalilipas dahil sa aksidente sa kalsada.
Naaalala niya pa ang mga pangyayari, iyak nang iyak si Colette nang madatnan niya dahil kasama ito ng kaniyang pinsan nang mangyari ang banggaan. Himalang nakaligtas ang bata at ang pinsan lang niya ang napuruhan.
“Mama, mama, paano na iyan? Sino na mag-aalaga sa akin?’ ang palahaw na iyak ni Colette nang madatnan niya habang punong-puno ng mga tao nag-uusyoso sa pangyayari.
“Colette, Colette, halika na, andito na ang tita, huwag ka nang umiyak,” ang naluluhang pag-aalo niya sa bata.
“Tita, Tita Eliz, bakit namatay ang mama ko? Huhuhu,” ang patuloy sa pag-iyak ni Colette.
Niyakap niya ang pamangkin, kahit siya ay hindi niya lubusang matanggap ang pangyayari.
Napailing si Eliz, “Ayoko nang balikan ang tagpong iyon,” ang bulong niya sa sarili.
Nagmamadaling pumunta ng banyo si Eliz upang maligo, baka mahuli siya sa kaniyang duty. Isa siyang nurse sa isang pribadong ospital na malapit sa kanilang tinutuluyang boarding house, mabait ang kanilang landlady at hinayaang makasama niya si Colette bilang kapalit ng kaniyang pinsan.
Natapos nang maligo si Eliz at nagsusuot na ng uniporme niya sa trabaho nang magsalita si Colette.
“Tita Eliz, ang ganda-ganda mo talaga, puwede kang maging Miss Universe, di ba pag Miss Universe, buong kalawakan iyon, ikaw ang pinakamaganda at magiging reyna sa buong kalawakan!! Ang laki-laki non ha. Tapos bibigyan ka ni God ng magiging asawa mo, siyempre king ng universe, kasi queen ka di ba?” ang madaldal na pahayag nito.
Natatawang naiiling si Eliz sa kadaldalan ng kaniyang pamangkin, napamahal na nang husto sa kaniya ito.
“Pero huwag kayo dito sa Earth titira ha, kasi nasisira na raw ito dahil sa global warming, dapat sa ibang planet kayo na mas maganda sa Earth tumira at siyempre kasama dapat ako, kasi ako yung princess dapat, ha?” ang bibang patuloy nito.
“Ang kulit mo Colette, bagay ang pangalan mo sa iyo,” ang natatawang sabi ni Eliz.
“Ito ang baon mo, at maya-maya darating na rin si Aling Beka upang asikasuhin ka naman sa pagpasok mo sa school, may almusal ng dala iyon,” ang bilin niya sa pamangkin. Inaabutan niya ng lingguhang pangkain nila si Aling Beka kasama na ng sahod nito. Dahil sa pagiging abala niya ay hindi niya na maaasikaso ang pagkain nila sa araw-araw.
Si Aling Beka ay katu-katulong niya sa pag-aalaga kay Colette, nasa singkuwenta anyos na ito ngunit malakas pa rin at parang nanay na rin ang turing niya rito.
“Papasok na ko Colette, ba-bye, galingan mo sa school ha,” ang paalam at bilin ni Eliz.
“Opo Tita Eliz, ingat,” ang malambing na tugon nito.
Nagmamadali nang lumabas ng boarding house at maglakad si Eliz, nilalakad na lamang niya ang ospital na pinapasukan dahil dalawang kalsada lang naman ang pagitan nito mula sa kaniyang tinutuluyan.
Habang nakahimpil si Blu sa itim niyang plana sa labas ng atmospera ng Daigdig samantalang nasa Berdan pa si Agarpa ay may natanaw siya sa dako ng malayong silangan sa mga pulo ng dagat na isang babaeng pumukaw ng kaniyang interes at atensiyon.
"Nakita ko na ang kaluluwa nito noong panahon ni Abram at nang magsakripisyo si Kiris,"
“Kahalintulad lamang marahil ngunit sa pagkakataong ito ay nais ko na siyang makasalamuha," ang bulong nito sa sarili.
"Nais kong madama ang ipinagkait ko sa sarili ko noong una, malakas ang magneto ng kaniyang kaluluwa," ang patuloy nitong bulong sa sarili.
"Bababa ulit ako sa Daigdig," ang pasya niya.
Zaaaaaap!!!!!
Sa isang tagong bahagi ng kalsada malapit sa ospital lumitaw si Blu.
Nagmamadaling pumasok si Blu sa pagamutan dahil nakita niya si Eliz na na nasa lobby ng ospital kanina, nang biglang.
“Aaaay!!!,” ang nabiglang sigaw ng babae na di sinasadyang nabangga ni Blu.
“Sorry po doktora,” ang hinging paumanhin ni Blu na nagliwanag ang mukha nang mabasa ang kaluluwa ng babae.
“Ok lang, huwag masyadong magmadali iho, mahahabol mo pa rin siya dahil hihinto iyon kung gusto ka rin niya,” ang ngiting biro ng doktora sa guwapong binata.
Ngumiti ang binata at patuloy na naglakad papunta sa loob ng ospital.
“Teka lang paano niya nalamang doktora ako eh pauwi na ako at hindi na ako naka-uniporme?” ang nagtatakang tanong ni Dra. Loisa, hinabol niya ng tingin ang humahangos na nakatalikod na binata at tila sa pagkakatitig niya ay nagliliwanag ito, inalis niya ang kaniyang salamin at pinunasan sabay labas sa pinaka-lobby ng ospital.
“Parang may problema ka honey?” ang tanong ni Gen. Lance Martin paglabas ng kotse nang makitang papalapit na ang asawa sabay halik dito.
“Wala, parang lumabo lang ang mata ko kanina,” ang nakangiti nitong sagot sa asawa.
“Sunduin natin sa school sina Leslie at Jan, kain na lang tayo sa labas,” ang sabi ng heneral kay Dra. Loisa patungkol sa dalawang anak.
“Okay, good idea. Medyo busy tayo nung mga nakaraang araw bawi tayo sa dalawa,” ang tugon ng doktora.
-------000000-------
Samantalang si Eliz ay abala na sa pag-aasikaso sa isang pasyenteng sinugod sa ospital dahil sa aksidente ay may isang lalaking tumawag sa kaniya.
"Eliz kumusta?" ang tanong nito sa kaniya.
Hindi niya kilala ang lalaki kaya hindi niya masagot ito. Mukhang maayos ang lalaki at may itsura at kakaiba ang aura nito.
"Magkakilala na po ba tayo?" ang nahihiya niyang tanong sa lalaki.
"Ah hindi pa nga pala, nabasa ko kasi sa nametag mo na ikaw si Eliz, kaya natawag na kita sa iyong pangalan," ang paliwanag ng lalaki.
"Ako nga pala si Blu ng Plane-- ng --- diyan lang sa kabilang siyudad," ang palusot nito.
"Magandang araw po, sige at hindi na ako magtatagal dahil kailangan kong asikasuhin ang aming pasyente," ang magalang nitong paalam kay Blu.
"Okay lang, paalis na rin ako," ang nakangiting tugon ni Blu.
Maligaya siya habang palayo sa ospital na pinagtratrabahuhan ni Eliz. Sa wakas nakita niya at nakausap nang harapan ang babaeng may magandang kaluluwa.
Habang ang kotseng sinasakyan ng mag-asawa ay dumaan sa harap ni Blu. At nakita niya ang dalawa pang natatanging kaluluwa na nakasakay dito.
“Ayun yung doktorang nakabangga ko kanina sa ospital,” ang bulong ni Blu habang tinitignan ang kotseng papalayo. “Sila ang iilang tao na masuwerte rito sa Daigdig,” ang nakangiti niyang sabi sa sarili.
--------000000-------
Kayang magparoo't parito ni Blu, ito ang regalo ng Supremo sa kaniya, ang maglakbay sa pamamagitan lamang ng isip. Higit ito sa kakayahan ni Amang Alpa kasama na ang paggana ng lahat ng sentido.
Nasa isang misyon pa rin sila ni Agarpa sa Daigdig, ang bantayan ang Mundo at pigilan at tugisin si Senki at mga alagad nito. Pigilan sa pagpapahamak sa marami pang tao sa mundo at tugisin hanggang makabalik sa Sai-Biru upang doon siya hatulan.
Hangga't maari ay hindi dapat malaman ng mga tao ang presensiya nila sa Daigdig sampu ng iba pang mga lahi ng Martens na nagtatago sa iba't ibang lugar sa Daigdig.
Sila Senki at ang may mga masasamang adhika na Martens ang nagpagulo sa lupa kasama ang maraming mga alagad nito na may matataas pang katungkulan sa pamahalaan ng kani-kanilang mga nasyon, nananahan sila sa may Gitnang Silangan, Kanlurang Europa at Hilagang Amerika.
Ang kaisipan at konsepto nila ng kasakiman sa kayamanan at kapangyarihan, inggit, kawalang kabutihan sa puso at makasarili ang naisalin sa mga tao at marami ang naging mga tagasunod ng konseptong ito kabilang na ang mga matataas na pinuno ng mga bansa.
Si Senki at ibang mga martens ay itinuturing na mga diyos nila at nabulag ang karamihan at napasunod sa mga maling patakaran na lumalabag sa kalooban ng Supremong Diyos. Tuso sila Senki sapagkat aakalain ng kanilang mga tagasunod na sila ay nasa kabutihan at may sariling prinsipyo at paniniwala lamang na ipinaglalaban samantalang ang tunay na nasa kabutihan ay kanilang nilalabanan dahil sa pagkakaiba ng paniniwala at pananaw sa buhay.
Ang pagtuturo nila Senki sa paggawa ng mga nakakapinsalang bombang nukleyar sa pamamagitan ng mga sinugo nilang sartan at marten na parang mga tao ay malaking panganib sa Daigdig na minomonitor nila Blu at Agarpa. Si Kiris ay nakabalik na sa Sai-Biru at tumahan na sa Siyudad ng Diyos ngunit susuguing muli ng Supremo sa itinakda niyang araw ng Daigdig upang iligtas ang mga taong pinili Niya.
"Blu nakita kitang kausap mo ang isang babae sa Daigdig, mag-ingat ka sapagkat ipinagbabawal sa atin ang makipagtipan sa hindi natin kauri at kalahi," ang paalaala ni Agarpa.
"Agarpa, kung hindi natin sila kauri at kalahi ay bakit itinulot ng Supremo na likhain natin sila ayon sa ating kawangis?"ang depensa ni Blu sa kaniyang ginawa.
Si Agarpa ay may ilang araw na rin sa Eris na katulad ng bilang ng panahon sa Daigdig, kagagaling lamang niya sa Sai-Biru tatlong araw na ang nakararaan.
Pagkatapos nang sakripisyo ni Kiris ay nagpabalik-balik na lamang muna si Blu sa Daigdig sa pamamagitan ng kaniyang isip. Sa itim na plana siya humihimpil at mimonitor ang mga galaw ng bawat lupain ng Daigdig. Mula sa Silangan hanggang sa Kanluran.
Habang si Agarpa ay nagbalik naman ng Berdan pagkatapos ng sakripisyo ni Kiris, dumaan sandali sa Sai-Biru at nagtungo ng ikatlong araw sa Eris upang samahan si Blu sa kaniyang misyon laban kay Senki.
"Pilitin mong huwag umibig sa isang tao, baka ikaw ay masaktan lamang," ang payo ni Agarpa.
"Matagal ko nang sinikil ang aking damdamin, noong panahon pa ni Abram at noong nagsakripisyo si Kiris, nakita ko na ang kaniyang kaluluwa," patukoy sa babaeng kaniyang nilapitan sa Daigdig.
"Makikiusap ako kay Supremo tungkol sa aking nararamdaman," ang sabi ni Blu kay Agarpa.
------------000000-------
Kinontak ni Blu ang Supremo sa pamamagitan ng malaking screen sa Eris. Ito rin ang nagsisilbing malaking monitor nila sa Daigdig, ang buwan na mismong satelayt ang sumasagap ng mga impormasyon at kaganapan sa buong mundo.
"Mahal na Supremo, ang Diyos na pinaka-makapangyariham sa lahat, may ilalapit po sana akong gumagambala sa aking isipan," ang magalang na bati ni Blu
Nakangiting nagpahayag ang Supremo.
"Huwag kang mangamba Blu, sa pangyayari at sa damdaming pilit mong sinisikil mula pa noong una, Dinisenyo ko ito ngayon para sa iyo," ang pahayag nito.
"Ang babaeng taga-Daigdig ang inilaan ko talaga para sa iyo Blu, may espesyal siyang katangiang aking nakita para sa iyo," ang patuloy ng Supremo.
“Nangangamba po ako na kapag kami ay nagkaunawaan at nagbunga ang pagmamahalan namin ni Eliz ay magbunga rin po ng higante katulad noong unang panahon,” ang nangangambang pahayag ni Blu.
Sumagot ang Supremo.
"Blu nang binasbasan kita upang ibigin si Eliz ay inalis Ko na ang lahat ng kahadlangan upang kayo ay lumigaya sakop ang magiging mga anak ninyo, ito ay bilang pabuya sa katapatan mo sa Akin," ang pahayag ng Dakilang Supremo.
Nangingilid ang luha ni Blu sa narinig.
"Maraming maraming salamat po Dakilang Diyos, lalo po akong magpapakatapat sa Iyo,” ang pasasalamat at pangako ni Blu.
------------000000-------
"Eliz hintay, saan ka ba umuuwi?" ang tanong ni Blu sa dalaga kahit alam na nito kung saan siya nakatira.
"Diyan lamang sa kabilang kalsada, ako ay nagbe-bedspace lamang doon kasama ang pamangkin ko, parehas na kaming ulilang lubos," ang sagot ni Eliz, malakas ang dating sa kaniya ni Blu at hindi niya maitanggi na magaan ang loob niya rito. Hindi siya palakausap sa mga lalaki lalo na at ilang araw niya pa lamang nakikilala.
"Bakit nasaan ang iyong ama't ina?" ang tanong ni Blu.
"Namatay sila sa Digmaan sa Gitnang Silangan noong ako ay bata pa lamang.
Doon ako ipinanganak ngunit iniuwi ako dito dahil wala ng mag-aalaga sa akin doon. Sila ay naghahanapbuhay roon at doon din sila nagkatagpo," ang kuwento ni Eliz.
"Sorry at masyado akong naging palatanong," ang sabi ni Blu kahit nabasa na ng isip niya ang nangyari sa ama't ina ni Eliz.
"Okay lang iyon, matagal na panahon na at naka-survived naman akong mag-isa," ang nakangiting sabi ni Eliz.
"Kumain tayo at ako ang taya," sanay na si Blu sa ganitong mga sitwasyon at lengguwahe sapagkat nakailang balik na siya sa Daigdig.
Sa isang mumurahing restawran lamang sila kumain malapit sa ospital, walang problema kay Blu sapagkat kaya niyang lumikha at kopyahin ang mga bagay na nag-eexist sa Daigdig.
"Saan ka ulit nakatira, Blu?, parang ngayon lang kasi kita nakita dito" ang tanong ni Eliz.
"Sa kabilang siyudad, napagawi lamang ako rito at nang makita kita ay hindi ko napigilang hindi magpakilala sa iyo," ang sagot ni Blu.
"Talaga lang ha?" ang nangingiting sabi ni Eliz.
"Oo Eliz, unang kita ko pa lamang sa iyo ay gusto na kita, ang magneto ng iyong kaluluwa ang pumukaw sa aking puso at naglapit sa akin patungo sa iyo. Ang panahon ay sobrang bilis dito sa mundo, sa isang kisapmata nawawala ito sa ating mga kamay, kaya hindi na ako nagdalawang-isip na ikaw ay lapitan" ang mahabang pahayag ni Blu.
"Ang bilis mo naman Blu, isa ka rin palang makata, gusto ko pa naman talaga ay isang makata, para akong dinuduyan ng kaniyang mga salita at tula," ang nakangiting sabi ni Eliz.
"Natural ko ito, Eliz," ang sagot ni Blu na nakangiti na rin.
“Hindi mo naitatanong libangan ko ang gumawa ng tula, ito ang aking sandata sa kalungkutan at pag-iisa ko dito sa mundo,” ang malungkot na kuwento ni Eliz.
Hinawakan ni Blu ang kamay ni Eliz, unang hawak niya sa kamay ng isang tao. Tila ba ay nakuryente si Eliz at napangiti kay Blu.
"Ang lakas ng boltahe mo ha Blu, grabe totoo pala ang kasabihan," ang natatawang sabi ni Eliz.
Hinagkan ni Blu ang kamay ni Eliz, parang lalong lumakas ang kaniyang pakiramdam, nagpaubaya si Eliz, ang bilis ng tibok ng kaniyang dibdib na ngayon niya lang naramdaman ang kakaibang damdamin simula nang siya ay magkaisip sa mundo, hindi siya makatanggi sa lalaking ito na sobrang-gaan ang kaniyang kalooban. Ang pakiramdam niya ay matagal na niya itong kilala at kampante siya sa harap nito.
Paglabas nila sa restawran ay may dalawang lalaking nakaitim na jacket ang sumalubong kay Eliz, sabay hila sa shoulder bag niya, maagap si Eliz at nahawakan ang bag niyang pilit na hinihila ng isang lalaki.
Nakita ito ni Blu sabay tingin sa mata ng lalaki, natigilan ito at biglang bitaw sa bag ni Eliz, habang ang isang lalaki ay bumunot ng baril at kinalabit ito na nakaumang kay Eliz, hindi pumutok ang baril sapagkat nanigas ang gatilyo nito at hindi na rin maigalaw ng lalaki ang kaniyang daliri dahil na rin sa utos ng isip ni Blu. Kumaripas na lang nang takbo ang dalawang lalaki at iniwan ang motor na gamit pala nila na nakahimpil sa di-kalayuan ng restawran.
“Okay ka lang ba, Eliz?” ang tanong ni Blu na nag-aalala.
“Okay lang ako Blu at hindi ako nasaktan, salamat,” ang sagot nito.
“Saan, wala naman akong ginawa?” ang nangingiting sabi ni Blu.
“Tinignan mo palang yung isa ay nahintatakutan na at pinahinto mo pa yung baril ng isa, biro lang,” ang nakangiting sabi ni Eliz na ang pakiramdam niya ay ligtas at panatag siya kapag kasama si Blu.
Natigilan saglit si Blu at naisip niyang matalas na babae si Eliz. O talagang napansin lamang ni Eliz ang pagkontrol niya sa mga ito kanina.
“Hindi naman, nataranta lang siguro sila dahil may kasama kang iba,” ang nakangiting sabi ni Blu.
Nakita pala ng guwardiya ang pangyayari at itinawag na rin sa himpilan ng pulisya ang insidente pati ang motor na naiwan ng dalawang magnanakaw. Lumapit sa kanila at tinanong kung magrereklamo sila sa presinto.
“Hindi na po kami sasama sa presinto manong, nagmamadali rin kasi kami at kailangan din ako sa bahay” ang sabi ni Eliz sa guwardiya ng restawran upang makaiwas na lang sa abala.
“Okay po Ma’am, may CCTV naman po para maimbestigahan ng mga pulis ang pangyayari,” ang sagot ng guwardiya.
Sila ay patuloy na naglakad pauwi sa tinutuluyan ni Eliz na malapit lamang sa ospital at hindi rin kalayuan sa restawran na kanilang kinainan.
“Tignan mo ang mga bituin sa langit, sobrang dami at hindi natin kayang bilangin. Ganyan ka-makapangyarihan ang Diyos,” ang sabi ni Eliz.
Napangiti si Blu sa tinuran ni Eliz, naniniwala si Eliz sa Diyos kung gayon.
“Oo talagang makapangyarihan ang Dakilang Diyos,” ang nakangiting sang-ayon ni Blu.
“Sino ba ang kinikilala mong Diyos?’ ang sunod na tanong ni Blu.
“Ang nag-iisang Diyos na lumalang ng langit at lupa, ang may-ari ng buong kalawakan,” ang sagot ni Eliz.
“Ikaw sino ba ang Diyos mo?” ang ganting tanong ni Eliz.
“Ang Supremo na siyang Diyos ay ang puwersa na namamahala sa lahat, sa bawat bagay at may buhay sa buong kalawakan,” Siya ang nag-iisang Diyos na lumalang ng langit at lupa, ang may-ari ng buong kalawakan,” ang sagot ni Blu.
“Magkakasundo tayo Eliz,” ang muling pahayag ni Blu na lubos ang kaligayahan.
Hinatid ni Blu sa bahay si Eliz at hinagkan niya naman ito sa noo bilang pasasalamat at paggalang sa babaeng kaniyang iniibig at siya ay sigurado na dito. Ganito pala magmahal ang isang biron, ang bulong ni Blu sa sarili.
“Hello Tita Eliz, hello po, Mr. Universe, ang king ng kalawakan,” ang biglang sulpot ni Colette na nakita pala ang dalawang papalapit sa boarding house.
“Ay Blu, siyanga pala ang pamangkin ko si Colette,” ang sabi ni Eliz na nabigla sa biglang pagsulpot ng pamangkin.
Nagliwanag ang mukha ni Blu sa pagkakita kay Colette, napakaganda ng aurang kaniyang nakita sa bata. Kalahi nga ito ni Eliz.
“Kumusta ka Colette?” ang nakangiting tanong ni Blu.
“Okay lang po Tito Blu, bagay na bagay po kayo ni Tita Eliz, siya ay parang queen, ikaw naman po ay parang king,” ang madaldal na sabi ni Colette.
“Hay naku ikaw Colette, bagay na bagay rin sa iyo ang pangalan mo, halika na at matutulog na tayo, kailangan nang umuwi ni Blu,” ang nahihiyang sabi ni Eliz.
“Mauuna na ako Eliz, pupuntahan ulit kita bukas ha, Ba-bye Colette, hind nga pala ako ang king ng kalawakan” ang natatawang paalam ni Blu.
“Mag-ingat ka Blu,” ang nakangiting sagot ni Eliz.
-------0000000------
Nakabalik na si Blu sa Eris o buwan kung saan naroon ang kanilang mga plana at laboratoryo. Wala si Agarpa, baka nasa Berdan o Sai-Biru na naman, sila na lang ang nakakagamit ng portal sa pagitan ng Eris, Sai-Biru, Mercurio, Benus, Talang-Araw at Berdan. Limitado na lang ang mga planeta at lugar sa kalawakan na nasasakop ng portal sa Eris.
Naisip agad niya si Eliz, ayaw niyang gamitin ang kaniyang kakayahan at talento upang ito ay subaybayan, "Hahayaan ko ang natural na paraan, ayokong kontrolin ang lahat, mahal ko si Eliz," ang bulong ni Blu.
Habang sa Daigdig naman ay nakatingin si Eliz sa buwan. Habang nakahiga sa kama upang matulog ay pinagmasdan niya ito. Napakalapit at napakaliwanag ang tingin niya rito. "Ano kaya ang ginagawa ni Blu ngayon?, parang nami-miss ko na siya agad," ang nakangiting nasa isip nito.
Lumalim ang gabi at nakatunghay pa rin siya sa liwanag ng buwan, "Supermoon nga pala ngayon," ang bulong niya.
Biglang may sumabog sa di kalayuan at pagbukas niya ng bintana upang makibalita ay nagkakagulo na ang mga tao sa labas, sa telebisyon ay pinapakita naman ang pambobomba ng taga-Kanluran sa mga bansa sa Silangan at ilang minuto na lang daw ay inihahanda na ng mga taga-Silangang bansa ang ganti nito.
Nag-aapoy na at puno ng usok ang paligid, ang mga tao ay nagsisigawan at nahihintatakutan. Unang bumagsak daw ang bombang nukleyar sa mga Bansang Pula ngunit nakaganti rin agad ang mga ito at ang tinarget ay ang pinakamakapangyarihang bansa sa kanluran at ang kahariang ingles sa hilagaan.
Nauupos ang mga bagay at natakot si Eliz sa mga pangyayari, ang bansa nila ay nadamay na rin sa digmaan, "Ito na yata ang World War III," ang bulong niya.
Habang nag-aapoy ang paligid paglabas niya ng kaniyang bahay ay marami ng mga taong nakahandusay sa kalsada.
Ang usok ang dahilan nito, nahihirapan na rin siyang makahinga. Nang biglang may dumating na parang spaceship na simbilis ng liwanag na lumapag sa harapan niya.
Pataas na bumukas ang mga pintuan nitong metallic black ang kulay, "Si Blu ang nasa loob, ang moderno kong prinsipe" ang bulong niya.
Yumakap siya kay Blu at siya ay hinagkan nito. Biglang isa pang napakalakas na pagsabog ang gumimbal sa kanila "Blam!".
Nagising siyang kinakapos ang hininga. Isang panaginip lamang ang lahat. Parang totoong-totoo.
Naisip niya agad si Blu, parang tunay na pangyayari, "Sayang hindi ko nakuha ang numero niya upang makumusta ko sana," ang nasa isip ni Eliz.
Kinabukasan ay sinundo ni Blu si Eliz sa ospital.
Habang kumakain sila ay nagkuwento si Eliz ng kaniyang napanginipan kagabi.
"Parang totoong-totoo talaga Blu," ang patapos niyang kuwento.
Hindi makapaniwala si Blu na ang nakikita niya sa hinaharap ay napanaginipan naman ni Eliz. Sumeryoso si Blu at nagsalita.
"Totoong mangyayari ang iyong panaginip Eliz," ang pahayag ni Blu.
"Anong sabi mo, Blu?" ang napalakas na tanong ni Eliz.
"Ssssh, huwag kang maingay, sumama ka sa akin at may ipagtatapat ako sa iyo," ang suway nito sa paglakas ng boses ni Eliz.
"Saan tayo pupunta, Blu?" ang tanong ni Eliz.
"Nakahanda ka bang sumama sa akin Eliz?" ang payakap na sabi ni Blu sabay halik sa labi ni Eliz.
Napangiti si Eliz sa biglang paghalik ni Blu, biglaan man ay naramdaman niya ang tamis, sinseridad at kuryenteng dulot nito sa kaniyang pagkatao. Hinawakan niya ang kamay ni Blu.
"Bastat hawak ko ang iyong kamay kahit saan pa man patungo, kaligayahan ko ang makasama kang maglakbay," ang matamis na sagot ni Eliz.
Zaaaaap!!!
Isinama siya sa isang iglap ni Blu sa isang bundok sa labas ng lungsod.
"Paano mo nagawa iyon Blu?" ang tanong ni Eliz sa mabilisan nilang paglalakbay.
"Nakikita mo ang buwan na iyan Eliz?" ang ganting tanong ni Blu.
"Oo naman, lagi kong pinagmamasdan ang buwan na iyan, parang panatag ang aking kalooban kapag nakatunghay ako diyan," amg sagot ni Eliz.
"Diyan ako nakahimpil at ang aking mga tauhan," ang seryosong pahayag ni Blu.
"Hah, ano ang sabi mo Blu, nagbibiro ka ba?" ang natatawang reaksiyon ni Eliz.
"Hindi Eliz, isa akong biron, ako si Blu ng Planetang Sai-Biru," ang sagot ni Blu.
Naiiling at hindi makapaniwala si Eliz sa kaniyang narinig.
"Panaginip pa rin ba ito?, baka mamaya magigising na naman ulit ako," ang nalilitong pahayag ni Eliz.
"Kasama ako sa paglikha ng mga tao sa Daigdig, naroon na ako noong bahang-gunaw, narito ako noong nagsakripisyo si Kiris na ngayon ay sinasamba ng mga tao dahil sa maling paniniwala ng mga ito, namalas ko ang pagkamatay ng mga modernong sibilisasyon at muling pagbangon nito, namamalas ko ngayon ang lahat ng nangyayari sa mundo at nalalaman ko ang patutunguhan nito," ang mahabang pahayag ni Blu.
"Nalalaman ko ang mga tinuran mo, ngunit hindi malinaw sa akin kung ano yung sakripisyo ni Kiris, sino si Kiris?" puno ng kuryosidad na tanong ni Eliz.
"Si Kiris ay sinugo ng Diyos may dalawang siglo na ang nakararaan sa mundo ninyo upang ipahayag ang dakilang pag-ibig Niya sa mga tao, ngunit itinuring na diyos ng mga tao dahil sa maling paniniwala ng mga ito," ang mahabang kuwento ni Blu.
"Nauunawaan ko na. Isa ka bang diyos?ikaw ang diyos, Blu?" ang namamanghang tanong ni Eliz.
"Hindi ako ang Diyos, tulad mo ay nagtitiwala at naglilingkod din ako sa Kaniya, ang Supremo ang nag-iisang Diyos na tunay, Siya ang Simula at wala Siyang wakas, Ang lumikha ng lahat ng bagay sa buong kalawakan," ang paglilinaw ni Blu.
"Totoo ba ang lahat ng nangyayari ngayon sa akin, Blu? ang tanong ni Eliz.
"Tunay na pangyayari ito Eliz at hindi isang panaginip lamang," ang paglilinaw ni Blu.
"Bakit hindi ka tumatanda, Blu?" ang inosenteng tanong ni Eliz.
"Hindi lamang ako Eliz, tulad ng iba pang hindi taga-Daigdig, hindi naapektuhan ang aming mga katawan kapag nagtungo kami sa ibang mga planeta sapagkat ang katawan namin ay nakabatay sa takbo ng panahon kung saang planeta kami naninirahan. Kaya may tinatawag na immortal sa planetang ito at napagkakamalang mga diyos. Ang bilang ng panahon namin batay sa distansiya namin sa Daigdig ay isang araw sa Sai-Biru, isang libong taon sa inyo." ang mahabang paliwanag nito.
"Talaga? Nakakagulat at halos di ako makapaniwala, kung gayon talagang halos magkasing-edad lamang ba tayo, Blu?" ang nakangiting tanong ni Eliz.
"Oo sa panahon namin at sa bilang ng panahon ninyo," ang nakangiti ring sagot ni Blu.
“Bakit parehas ang ating mga itsura kung taga-ibang planeta ka Blu?” ang curious na tanong ng dalaga.
“Sapagkat nilikha namin ang lahing tao ayon sa aming mga itsura, magkakawangis tayo, katulad ng mga martens, ng mga taga-Berdan at iba pang planeta sa sistema, ”ang sagot ni Blu. “Ang ibang mga nilalang na parang mga insekto at mga reptilian ang itsura ay hindi galing sa ating mga sistema, sila ay galing sa ibang galaktika ngunit iisa lamang ang lumikha sa ating lahat,” ang patuloy na kuwento ng binata.
“Eh bakit iniba pa ang kanilang itsura?” ang patuloy na tanong ni Eliz.
“Disenyo iyon ng Supremo upang maka-adopt sila sa kanilang kapaligiran, sa planetang kanilang tinitirhan at sa mga atmospera nito,” ang paliwanag ni Blu.
Hinalikang bigla ni Eliz si Blu.
Napatda si Blu sa ginawa ni Eliz.
"Sorry gusto ko lang makasiguro na hindi talaga ito isang panaginip lamang," ang paliwanag ni Eliz.
Napangiti si Blu.
Hinalikan ulit ni Eliz si Blu. Gumanti ng halik si Blu. Hinaplos niya ang katawan ni Eliz, unang haplos niya sa katawan ng isang tao, ng isang babae, ng isang pinakaiibig na babae.
May isang liwanag na bumabalot sa bundok na iyon bilang tanda ng kanilang pag-iisa.
-----------0000000---------
Nakahiga ang dalawa sa isang kubo sa bundok nang magtanong muli si Eliz.
"Paano mapipigilan ang pagkawasak ng mundo, Blu?" ang tanong ni Eliz.
"Walang makakapigil sa itinakda ng Diyos, ang mga tao ang lumikha ng sarili nilang ikapapahamak, si Senki ay naghahangad ding mapigilan o makatakas mula dito sa pamamagitan ng paggawa ng mga portals, pero binubuyo niya rin ang mga tao sa isang mapangwasak na digmaan, akala niya makakatakas siya sa pamamagitan ng digmaang ito," ang kuwento ni Blu.
"Sino naman si Senki at paano siya makakatakas dito sa mundo?" ang tanong ni Eliz.
"Si Senki ang aking tusong-pinsan, siya at ang kaniyang ama ang pinagmulan ng damdamin at kaisipang makasarili, mapaghimagsik at sakim, narito rin siya sa mundo at nagtatago sa Gitnang Silangan sa pagkakaalam ko, meron rin siyang mga plana o spaceships at ibang mga tauhan na naakit niya na hindi sa planetang ito nagmula," ang pahayag ni Blu.
"Hindi sila makakatakas mula rito sa Daigdig, at ito ang misyon namin kaya nanatili kami sa Eris o buwan at dito sa mundo," ang dugtong nito.
"Sabi mo may mga spaceships din sila, so madali lang para sa kanila ang makalipad at makaalis mula rito," ang pahayag ni Eliz.
"Iyan ang aming misyon, dahil hindi sila makalalabas sa ginagawa nilang mga portals, tutugisin namin ang kanilang mga sasakyan paglabas ng atmospera ng Daigdig," ang paliwanag ng binata.
--------00000--------
Kinaumagahan, paggising nila ay nasilayan nilang sabay ang pagsikat ng araw sa Silanganan.
"Kapag nakikita ko ang sinag ng bagong araw na sumisilay sa umaga ay nalilimutan ko ang kahapon, ito ang regalo ng Diyos, ang mabuhay muli sa bagong pag-asang kaloob niya, lalong-lalo na nang dumating ka sa buhay ko," ang matalinghagang sabi ni Eliz.
"Nang hindi pa kita nakikilala Eliz, ang buhay ko ay parang isang makinang kumikilos dahil prinograma lamang, makabuluhan ngunit walang kulay, nang dumating ka nagmistulang puno ng bahaghari ang buhay ko, mahal kita Eliz, gagawin ko ang lahat upang hindi ka mapahamak," ang tugon ni Blu.
“Salamat Blu, ang ganda talaga ng Haring-araw ano?, para bang nagbibigay ng pag-asa sa buhay ng bawat tao dito sa mundo,” ang sabi ni Eliz.
“Ang inyong araw ay isa lamang bituin sa kalawakan at sa ibang mga nilalang pagsapit ng gabi, isang munting liwanag lamang siya sa buong kosmos, tuldok lamang, diyan mo makukumpara ang mga sarili natin sa likha ng Supremong Diyos” ang tugon ni Blu.
Binuksan ni Blu ang isang hologram sa bundok gamit ang kaniyang ledro o relos sa Daigdig. Upang maipakita kay Eliz ang kaniyang minomonitor na gawain ng mga tauhan ni Senki.
Natatawa si Blu sa nakikita niyang paggawa ng mga tao ng portals sa iba't ibang panig ng mundo, ito ay utos na rin ni Senki na nagtatago pa rin sa Gitnang Silangan sa kaniyang pagkakaalam ngunit ito ay nasa Antartika na, may katusuan talaga ito. "Kahit anong pagsisikap ninyo ay hindi kayo magtatagumpay na makalikha niyan hanggat walang pahintulot ang Diyos," ang nasa saloobin niya habang namomonitor sa malaking satelayt nila sa Eris ang ginagawa ng taga-pulang bansa at ang isa ay sa dakong kanlurang Europa.
“Ayan ba ang mga portals na sinasabi mo Blu?’ ang tanong ni Eliz.
“Oo Eliz, sinaliksik nila Senki at ang kaniyang mga henyong tauhan ang paglikha diyan sa mga iyan, kinalkula nila ang mga pormula na kanilang pinag-aralan at kombinasyong quantum pisika, elektro dynamika, enerhiya at distansiya ng isang bagay tungo sa kabilang destinasyon,” ang paliwanag ni Blu.
Isang malaking bilog na mga metal na parang malaking singsing ang ginagawa nila na may diyametro na isang daang metro. At sa paligid ay mga malalaking bato-balani at elektrisidad. Ito ay upang mapabilis ang pagpunta nila sa kalawakan at hindi na gagamit ng mga sasakyang panghimpapawid.
“Nagugunita ko tuloy Eliz ang lihim na Eksplorasyon ng mga tao sa Eris,” ang naalala niyang pahayag.
“Sa buwan?’ ang tanong ni Eliz.
Naalala niya ang mga ekspedisyon ng mga tao sa Eris ilang mga taon na sa Daigdig ang nakalilipas, hinayaan niyang makatuntong sa lupa ng buwan ang mga tao ayon na rin sa kalooban ng Supremo. Ngunit ang pangatlong pagpunta nila sa Eris ay pinagbawalan na nila ang mga ito. "Hindi ang lugar na ito ang nararapat ninyong tirahan, inilaan lamang kayo sa Daigdig at huwag kayong lumampas sa limitasyon ninyo, ang inyong gawin ay alagaan ang inyong planeta at wastong linangin, hindi ninyo kailangan ang lugar na ito," ang pahayag niya sa mga taong huling tumapak sa Eris.
“Ngunit hindi tumigil ang mga tao, lubhang mapusok at nais lumampas sa kanilang kinalalagyan,” ang patuloy ni Blu.
“Sa paghahanap nila ng Eksistensiya ng Diyos, ito ay natuklasan naman nila sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitang pang-eksplorasyon at mga makabagong teleskopyo,” ang pahayag pa ni Blu.
“Hinayaan ng Supremo na masilayan ng kanilang makabagong teleskopyo ang Siyudad ng Diyos, pati na rin ang aming planetang Sai-Biru,” ang dugtong na pahayag ni Blu.
“Talaga Blu? Hinayaan ng Diyos na maipakita sa mga tao? Sinong mga tao?” ang tanong ni Eliz.
“Ang mga siyentipiko ng Daigdig sa pangunguna ng Siyensiyang Pangkalawakan ang nakatuklas nito ngunit huli na sa pagbabalik-loob dahil nakakasa na ang digmaang sisira sa kanila. Ang Kanlurang mga bansa ay hindi makasundo ang paniniwala at pananaw ng mga taga-Silangan. Ang kaisipan at idelohiya ni Senki ang dahilan nang hindi nila pagkakaisa, ang pagiging makasarili at sakim. Gusto nilang sila-sila lamang ang maghari sa buong mundo,” ang mahabang kuwento ni Blu.
“Naalala ko ang unang digmaan dito at pagkatapos ng may kalahating oras sa amin, sa Sai-Biru may kalahating oras pa lamang akong nakararating ay namonitor na naman namin ang isang matinding pagkilos mula sa kanluran na kumalat papuntang silangan, ang matinding digmaan na ginamitan ng bombang atomika, kaalaman na ipinasa ni Senki sa mga tao na natutunan niya kay Ru ng Brok,” ang kuwento ni Blu.
“Ibig mong sabihin ang henyong may ideya nito sa Daigdig ay inutusan ni Senki na gumawa ng bomba?” ang tanong ni Eliz.
“Ang pormula ay binigay sa henyong iyon na may kaalaman din sa kaganapan sa kalawakan, mabuti ang kaniyang hangarin ngunit naipaalam niya ito sa mga maling otoridad na makasarili at sakim sa kapangyarihan,” ang sagot ni Blu.
“Pagkatapos noon, kumalat ang pormula at napaghusay pa ng mga sumunod na henerasyon,” ang malungkot na patuloy ni Blu.
“Ang mga makabagong teknolohiya ninyo sa kasalukuyan ay sinaunang mga kagamitan pa lang namin, maniwala ka Eliz, ipinaalam namin sa inyo ang mga bagay na iyan upang malasap ninyo sana ang kaginhawaan at konbinyente sa buhay ngunit ang mga ito rin ang naghatid sa mundo ng kasiraan dahil sa hindi maayos na paggamit ng mga tao,” ang paliwanag ni Blu.
“Teka nga pala Blu, ano ba ang relihiyon ninyo?" ang curious na tanong ni Eliz.
"Anong relihiyon?" ang ganting tanong ni Blu na nakangiti sapagkat nauunawaan niya ang tanong nito.
"Ang mga nilalang sa buong kalawakan ay walang relihiyon sapagkat hindi namin kailangang manumbalik sa piling at pagmamahal ng Diyos, dahil naroon na kami sa estadong iyon simula't sapul," ang paliwanag ni Blu.
"Ang relihiyon ay nagkaiba-iba dahil sa maling paniniwala at enterpretasyon ninyong mga tao," ang dugtong niya.
"Naniwala ang karamihan sa mga martens at kay Senki na lumikha ng pagkakaiba-iba ng paniniwala," ang patuloy nito.
"Kung gayon paano ninyo pipiliin ang ililigtas ninyo?" ang tanong ni Eliz.
"Sa pamamagitan ng puso at ang may banal na takot at nagtitiwala sa Supremo, sa pamamagitan ng sakripisyo ni Kiris sila ang may tatak at sa lahi na rin na aming pinili simula pa noong una na nanatiling tapat sa Diyos ng buong kalawakan," ang sagot ni Blu.
"Paano iyan? Baka hindi kami kasamang maliligtas ng aking pamangkin," ang nag-aalalang pahayag ni Eliz.
"Huwag kang mag-aala, nakita ko na ang tatak mo noong una pa," ang nakangiting sagot ni Blu.
------0000000-------
Kinagabihan, pauwi na sina Blu at Eliz sa boarding house ng huli nang makita nila si Colette sa labas ng boarding house.
“Hi Tito Blu, ang Mr. Universe, ang prinsipe ng kalawakan,” ang nakangitng bati ni Colette.
Nagkatinginan sina Blu at Eliz.
“Bakit ba laging may kalawakan ang bati mo kay Tito Blu mo?” ang tanong ni Eliz.
“Kasi po iyon ang tingin ko po sa kaniya, para po siyang galing universe, tapos po kayo yung Miss Universe,” ang sagot ni Colette.
Natatawa na lang ang dalawang nag-paalam sa isa’t isa.
“Sige Blu ingat ka ha,” ang paalam ni Eliz.
“Ikaw ang mag-ingat, kayo ni Colette, huwag kayong lalayo sa isa’t isa simula ngayon at sa mga susunod na araw,” ang sabi ni Blu.
“Nauunawaan ko Blu,” ang tugon ni Eliz.
Habang nag-uusap sila ay mayroon nang kaguluhang nangyayari sa malayong kanluran, nakapuwesto na ang bombang nukleyar na inaasinta ang Silangang bahagi ng Daigdig sa may Central Asya at Hilagang bahagi nito.
Sila Senki ay nagbabalak na kapag ini-release na ang mga bombang nukleyar ay gagamitin na nila ang mga portals kasama ang mga anak ng mga martens at sartans na kaniyang mga alagad.
Ang balak nila ay lumipat ng Benus o muling buhayin ang Marte sapagka unti-unti nang naaalis ang radiation dito ayon na rin sa pag-aaral ng mga martens na kaniyang kasama sa Daigdig.

Comments
Post a Comment