Hindi ito tula 2.20.2017


Hindi ito tula ito ay
damdamin na umaamot
ng espasyo sa aking kuwaderno
at malupit kong sulatan.

Hindi ito tula ito ay
tintang humalik sa pisngi ng
papel na iyong nilamukos
sa aking harapan.

Hindi ito tula ito ay
latak ng isip mula sa patuloy
na umaapaw kong utak
at humuhulagpos na kalooban.

Hindi ito tula ito ay
likidong umaagos mula sa
bintana ng aking kaluluwang
tinutuyo na lamang ng simoy ng hangin.

Hindi ito tula ito ay
pagibig na umiindayog sa
puso ko na nilulumot na
dahil sa manhid mong damdamin.

Hindi ito tula ito ay
pangarap na namatay sa
kulungan ng kalungkutang
nilimot ng makasariling mundo natin.


Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God