Di natin malirip


Hindi ko marinig ang pintig ng iyong puso
Basa naman ng luha ang aking mga mata kaya mukha mo'y di ko mabanaag
Ngunit ang hikbi ay malinis kong naririnig
At ang isipan ko'y tuluyang iginugupo
Na unti-unting nakadarama ang aking kaluluwa ng pagkahabag
Malinaw na aking nasagap ang kakulangan sa iyo - ang pag-ibig.

Marahil ay hindi mo nadama o nagkulang sila ng itinanim
Marahil ay hindi kayo nagkatagpo, ang isa ang lumihis ng landas
Iisa man ang inyong adhika at damdamin o kalooban
Nagkaiba naman kayo ng pagtanggap, Marahil sila ay nagbukas ng bisig
Ikaw naman ay ayaw lumapit upang yumakap
Hindi pumailanlang ang musikang dinala ng hangin - ang pag-ibig.

Kailan maitatama ang mali?
Kailan maitatanim ang nagkulang sa binhi?
Kailan magkakasalubong sa pagyakap?
Kailan matutuyo ng hangin ang mga matang basa sa luha?
Kailan madarama ang kumpletong pag-ibig?
Ang kaligayahan ng puso at kaluluwa.

Kapag ba nagpantay na ang mga paa ng mga puno?
At nilamon na ng lupa ang kanilang mga katawan
Saka lamang mararamdaman mo, oh binhi! ang sakit
Ang kahungkagan, ang kawalan, ang pagsisisi
Na hindi umayon ang panahon at ang pagkakataon sa inyo
Na malirip ng inyong mga puso ang hindi malirip ng inyong kamalayan.

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God