Love @ many sights Chapters 1 & 2

Love @ many sights
by R.H. Garbo

Chapters
1. Mga Ms. Kirina L. Andipa
2. Name Game
3. May “Brit-Vis” accent
4. Height is might
5. Walang "breeding"
6. Ms. Cum Laude
7. Pantasya ng bayan
8. Drama queen
9. Joke only
10. Ang pogi ng "Ex"
11. Ang "yayaman" nyo
12. Ideal Woman sa manhid na puso

PROLOGUE
Ako si Vicente P. Inocencio, Vince for short, 36 years old na at tubong Makati.  Wala pang asawa, at hindi ko alam kung magkakaroon pa. Pasintabi sa mga kakilala kong mga bading o silahis, pero hindi ako kabilang sa kanila, sadya lamang na may mga pagkakataong natakot akong magmahal at hindi pinahintulutan ng tinatawag nating dakilang tadhana. Kung magiging matandang binata ako ay okay lang, maipagmamalaki ko naman na naranasan kong umibig nang bulgar at nang lihim hindi lang minsan kundi nang maraming beses, kung ito nga ay matatawag na pag-ibig.
Natutunan ko ang kasabihang "Love at first sight", pamilyar din ako sa mga kantang "Love Hurts" at "Love is all around".  Pero ang maituturing kong D' best ay ang librong "Love @ many sights" ni R.H. Garbo dahil parang ako ang bida rito.
Enjoy reading.

Paunawa:
Ang mga pangalan ng mga tao at mga pangyayari sa nobelang ito ay pawang imahinasyon at kathang-isip lamang ng awtor, anumang pagkakahawig sa iyong buhay at istorya ay pawang natsambahan niya lamang.

Chapter 1: Mga Ms. Kirina L. Andipa

‘Summer of 2013’

"Sa ENE! Edad ni Vince, trenta'y sais," ang nakangiting sabi ni Lucio na nagbi-Bingo sa isang lamayan sa aming eskinita habang dumadaan ako papunta sa kanto na sakayan ng jeep sa lugar namin.

"Kutusan kita diyan Lucio eh, dinamay mo pa ako diyan," ang naiiling kong sabi sa kapit-bahay naming tambay at sugarol na pati bingo ngayon ay pinapatulan.

"Sino ang patay diyan?" ang tanong ko sabay nguso sa looban pa ng eskinita.

"Si Mang Bugoy, pre," ang sagot ni Lucio. "Ingats sa lakad!" ang patuloy nito.

"Sige, thank you, matalo ka sana," ang biro kong sabi sa aking kapit-bahay na walang ginawa kundi magbilang ng taong dumaraan sa eskinita. Nilingon ko pa at nakita kong kakamot-kamot sa ulo tanda ng pagkaasar sa iniwan kong biro.

Si Mang Bugoy pala ang pinaglalamayan,  binaril daw ng lover ng misis niya. Tsk, tsk, tsk, kawawa naman, mabait pa naman sa akin si Mang Bugoy, palabati ito at masayahin.  Parang naririnig ko pa tuloy ang bati sa akin nito kapag papasok ng opisina sa umaga at maghihintay ng jeep na masasakyan upang daanan ang aking kotseng naka-park sa isang gasolinahan na malapit din sa amin.  Di kasi maipa-park ang kotse sa eskinita, kahit try mo pa.

"Ingat poging sir, mag-asawa ka na kasi para may nag-aasikaso na sa iyo at may kasabay ka na lagi sa pagpasok sa opis," ang nakangiti nitong bati sa akin tuwing umaga.

Ulila na akong lubos at ayaw ko nang pag-usapan pa ito.  Ang bunso at nag-iisa  kong kapatid na lalaki ay may-asawa na rin at nasa Canada na, kaya ako na lang mag-isa sa iniwang bahay ng aming mga magulang sa looban.

May dumaan na jeep, walang sakay sa unahan kaya pinara ko na. Nagmamadali akong sumakay sa harapan, ito ay biyahe patungo sa mall na malapit sa amin, hassle pag dinaanan ko pa kasi ang kotse ko, bukod sa nakabilad pa ito sa araw ay huli na ako sa aking appointment, naks.  Imi-meet ko kasi ang "long lost friend" ko na galing London, si Marlon.

Siya ay naging kaibigan ko noong ako ay teenager pa lamang.  Kasama sa pagbibisikleta, kasama sa pagba-basketball, kasama sa panliligaw, kasama sa pag-iyak noong nabasted ni May-Ann, ang sosyal na playgirl na kapit-baranggay namin sa Makati.

Natatandaan ko na tuwang-tuwa si Marlon, isang brownout na gabi iyon noong Summer matapos bigyan ng pag-asa ni playgirl na sasagutin na kinabukasan, matapos ang halos tatlong buwang araw-araw na telebabad sa pay phone sa aming kanto at pagkatapos niyang bigyan ng Toblerone at bracelet ang babae na padala ng mama niya na nasa London. Nagtaka ako,  kasi kakikita ko lamang kay May-Ann na may kaholding-hands sa palengke doon sa amin noong isang araw. Sinabi ko ito kay Marlon ngunit natawa lamang ang aking kaibigan.

Napangiti ako nang madaanan ng jeep ang palengke, reminiscing the past.

‘Summer of 1993’

Naalala kong gusto nang mag-suicide ni Marlon noon, natakot lang siya sa sakit na idudulot nang paglaslas ng pulso, tinamad na rin naman siyang magbigti kasi wala naman kaming mahanap na lubid bukod sa 20 pesos kala Mang Enteng yung presyo ng lubid, Eh kinse pesos lang ang pinagsamang pera namin.  Naalala ko pa ang sabi ni Mang Enteng "Matibay ito Vince, subok na itong lubid ko, si Berto rito nadale," sumalangit ka nawa Mang Enteng.

Kaya umiyak na lang si Marlon nang umiyak sa akin buong tanghali noon matapos bastedin ni May-Ann na nakipag-telebabad pa sa telephone booth sa kaniya sa katanghaliang tapat, yon pala ay babastedin lang. Ubos na ang mamiso niya, ubos din ang luha niya at naubusan naman ako ng likido sa katawan sa sobrang ipinawis. Habang ang lakas nang patugtog ng casette ng kapitbahay namin ng makabagbag-damdaming "Pare Ko" ng E-heads. Mistulang ginagatungan pa si Marlon. Hanggang sa siya ay mapagod sa kakaiyak, kaya nagbasketball na lang kami pagkatapos ng drama niya dahil wala akong maipapayo pa sa kaniya, mas bopol ako sa kaniya pagdating sa panliligaw.

Pero aaminin kong nagalit ako noon kay May-Ann. “May ganon palang babae,” ang sabi ng mura ko pang puso noon.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

"Manong sa tabi lang!" ang bigla kong para sa jeep nang makalagpas nang kaunti sa mall na aking pupuntahan. Sabay baba sa jeep at lakad pa nang kaunti papasok sa vicinity ng sikat na mall sa Poblacion ng Makati.

Narating ko ang entrance ng mall, isang sosyal na mall malapit sa tabing-ilog. Hindi ko nakilala ang ogag, pumogi at nag-amoy "GBP" o "pounds".  May kasamang tisay na sa tingin ko ay pilipina naman.

"Vince, kumusta bro?" ang sabik na tanong ni Marlon sa akin.

"Okay naman tol," ang sagot ko.

May backpack na dala si Marlon, ang tisay na kasama niya ay naka-black dress na tumingkad ang kaputian.

"Siya nga pala si Aubrey, ang fiancΓ©e ko, " ang pakilala ni Marlon sa kaniyang kasama.

"Hi Vince," ang naka-smile nitong bati sa akin.

"Hi Aubrey, nice meeting you," ang sagot ko.

"Let's eat muna honey, lunch na naman before tayong umalis papuntang Tagaytay. I-treat natin itong bestfriend ko, baka hindi na kasi kami magkita nito sa sobrang busy ng itenirary ko rito sa Pinas," ang mahabang wika ni Marlon.

"Yeah, sure, let's eat na," ang tugon ni tisay.

Pumasok kami sa isang restaurant na ang specialty ay ang mga pilipino food and delicacies.

Umorder sila Marlon ng food, kare-kare, roasted chicken, lumpiang shanghai, pancit canton, pork barbecue, kinilaw na tanigue, etc.

"Ang dami naman tol ng inorder mo," ang nalulula at nangingiti kong sabi.

"Na-miss ko kasi Vince ang ganitong mga luto," ang sagot ni Marlon habang inihahain na isa-isa ang mga pagkain.

"Sa London walang ganito, dadayo ka pa ng ilang milya para matikman ang mga ganito kung gusto mo talaga, kaya lang hassle, every minute mahalaga sa lugar na iyon," ang patuloy nito.

"Ah excuse me, rest room lang ako honey, ah," ang nakangiting paalam ni Aubrey.

"Sure honey," ang sagot ni Marlon sabay malambing na halik sa girlfriend nito.

"Tol, hindi mo naikuwento sa akin si Aubrey noong huli tayong mag-usap," ang curious kong tanong sa kaibigan.

"Matagal na kami ni Aubrey, almost three years na, on and off ang relationship namin, isa siyang nurse sa London nang makilala ko," ang tugon ng kaibigan.

"Sunod ang luho niyan sa akin, mahal na mahal ko iyan, ang huling away namin ay dahil sa isang lalaki, nagalit ako at nag-sorry naman siya, hanggang sa mapag-desisyunan naming magpakasal na dito sa Pinas sa susunod na taon pagbalik namin," ang patuloy ni Marlon.

"Congrats tol, hangad ko yung kaligayahan ninyong dalawa," ang masaya kong bati sa kaibigan.

"Ano ka? Ikaw ang best man ko bro, kaya maghanda ka na next year ha," ang nakangiting sabi nito sa akin.

Nakita ko mula sa likuran ni Marlon si Aubrey na papalapit galing sa rest room.  Kininditan ako ni tisay at ngumiti nang ubod-tamis.

Nakita ko si May-Ann kay Aubrey.

Pinilig ko ang ulo ko at ibinaling kay Marlon ang tingin.

"Hi honey, nainip ka ba?" ang bati nito mula sa likuran ni Marlon sabay halik dito.

"Okay lang naman," ang nakangiting wika ng aking kaibigan.

Kumain na rin si tisay, habang ang pakiramdam ko naman ay nabusog na ako sa kaunting nakain habang kausap si Marlon, ang kaibigan naman ay ganadung-ganado sa pagkain at halatang nasabik nang husto sa mga food na nakahain sa lamesa.  Napansin kong panay punas sa bibig ni Marlon ang babae.

Hndi maalis sa isip ko ang ginawa ni Aubrey kanina, ginawa na rin iyon ni May-Ann sa akin noon nang makita ko ito sa palengke kasama ang boyfriend nito na lider pa noon ng isang fraternity sa lugar nila.

Maya-maya mula sa likuran ay may isang foreigner na kumaway bilang paalam sa puwesto namin, ito ay nagmula sa likuran ni Marlon kaya hindi niya nakita ang pagkaway ng dayuhan  kay Aubrey.

“Tsk,tsk, tsk” -- ang basa ko sa pangyayari.

“Bro, hindi na rin kami magtatagal ha, pupunta pa kasi kami ni Aubrey sa Tagaytay, basta bago ako umalis ay tatawagan kita, baka kasi hindi na tayo magkita pa.” ang parang malungkot na wika ni Marlon.

“Okay lang tol, enjoyin ninyo ang bakasyon nyo dito sa Pinas,”ang sagot kong parang inaalo ang aking bestfriend.  

“Siyanga pala, kunin mo na ito Vince, pasalubong ko sa iyo, Burberry iyan na polo shirt at Calvin Klein na watch,”ang sabay abot sa itim na maliit na bag na kinuha nito sa kaniyang backpack.  “Pang-date mo,”ang biro nito sa kaniya.

“Wow thank you, Marlon, basta pag may time ka tawagan mo ako, ako naman ang taya,” ang sabi kong nakangiti sa kababata kong itinuturing ko na ring isang kapatid.

“Kumusta na nga pala si Joy?” ang tanong ko kay bestfriend.

“Okay lng naman si Sis, nasa Lloyds siya. Isang insurance firm sa London.” Ang sabi nito tungkol sa nakababatang kapatid na babae.

“Honey, let’s go na, baka ma-traffic na tayo” ang putol ni Tisay sa usapan namin ni Marlon.

 “Ah okay honey,”ang sunod nito sa girlfriend.  Sabay senyas sa waiter upang kunin ang bill ng kinain nila.

“Oo nga pala Bro, Si Joy ang nakaisip niyan, siya na rin ang bumili kasi sobrang busy ako, di ko na naisip iyang mga iyan, hehehe,” ang natatawang wika ni Marlon.

Dumating na si Bill, yung bill pala, kaya nagmamadali nang umalis ang magkasintahan.

“Paano Bro, baka hindi na kita madaanan sa lugar natin ha,pasensiya ka na talaga,” ang pamamaalam ng aking kaibigan.

“Okay lang nga tol, basta enjoy your vacation,”ang sagot ko sa kaibigan.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

Makalipas ang isang linggo.

Kriiiing! kriiing! ang tunog ng telepono sa bahay, alas-singko pa lang ng umaga ay meron nang nang-iistorbo sa sarap ng tulog ko.  Ang dilim pa sa labas dahil kita sa bintana ng aking kuwartong natatakpan lamang ng manipis na kurtina.

"Sino kaya ito?" ang bulong ko sa sarili.

"Hello!" ang medyo may inis sa boses kong tanong sa kabilang linya.

"Vince?" ang sagot ng mala-anghel na tinig ng isang babaeng pamilyar na pamilyar sa aking mga tenga.

"Joy, ikaw ba iyan?" ang tanong nang nagising kong diwa na ang parang tingin ko sa labas ngayon ay tanghaling tapat na, na tirik na tirik ang araw, parang kaya kong mag-basketball ng tatlong larong walang palitan sa adrenalin na biglang sumipa sa aking katawan.

"Ako nga Vince, pasensiya ka na sa abala," ang tinig ni Joy na parang may lungkot ang dating sa akin.

"Bakit Joy? Ano bang nangyari?" ang medyo may kaba kong tanong sa kaniya.

"Si kuya Marlon, Vince, huhuhu," ang mahinang iyak ni Joy sa kabilang linya.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

Bumubuhos ang malakas na ulan sa buwan ng Mayo.  Unang ulan sa panahon ng summer, hudyat na malapit nang pumasok si Habagat, at ang buwan ng Hunyo, ng pasukan.

"Itay! Itay! Bakit nyo kami iniwan?" ang sigaw na paiyak ng babaeng panganay na anak ni Mang Bugoy habang inaayos ang nitsong paglalagakan kay Mang Bugoy na may nakahanda na ring lapida, nabasa ko ang tunay na pangalan niya: Frudogocio P. Juan, FPJ pala ang initial ni Mang bugoy, ilalagak ang labi nito katabi ng nitso ng nanay niya.

Naalala ko bigla si Marlon, na-cremate na ang bangkay niya noong isang araw.

"Si Kuya Marlon, wala na Vince," ang hikbing kuwento ni Joy sa telepono.

"Nakita siyang wala nang buhay roon sa hotel na tinutuluyan nila ni Aubrey," ang patuloy nito.

"Paano nangyari iyon Joy?" ang tanong kong naguguluhan pa sa mga nangyayari.

"Sabi nung imbestigador na-overdose raw sa gamot, nagpakamatay si kuya matapos nilang mag-away ni Aubrey, nakita kasi ni kuya na may naghatid na foreigner sa hotel na tinutuluyan nila, at nakita nung nireview yung CCTV sa hotel na nag-away nga sila at iniwan ni Aubrey si Kuya Marlon sa hotel room nila pagkatapos non," ang mahabang kuwento ni Joy.

"Tsk tsk, sabi ko na nga ba," ang nasasaloob ko.

"Haaaaaay," ang wala sa loob na bulalas ko. Awang-awa ako sa aking kaibigan.

"Vince, pasuyo naman ikaw muna ang mag-asikaso sa labi ni kuya, icre-cremate na lang kasi siya, inaayos ko lang ang pag-uwi ko diyan, nag-file na rin ako ng leave sa opis ko rito," ang pakiusap ni Joy sa akin.

"Walang problema Joy, ako na ang mag-aasikaso ng lahat dito," ang sagot ko.

Iniisip kong magle-leave rin ako ng ilang araw para sa kaisa-isa kong kaibigan.

Walang problema sa pera, di sa pagmamayabang, malaki na ang ipon ko sa bangko, ganito talaga kapag wala kang ginagastusang pamilya, "I am flying solo" ika nga.

"Magpapadala ako ng panggastos Vince," ang tinig ni Joy mula sa kabilang linya.

"Ako na munang bahala Joy sa gastusin, saka na tayo magkuwentahan pag-uwi mo rito," ang sagot ko.

"Ok salamat Vince, tatawag ulit ako or may facebook ka ba? Para roon na lang kita i-message," ang tanong ni Joy.

"Hah, wala Joy eh, call ka na lang ulit kung kailan kayo makakauwi para masundo ko kayo sa airport," ang sagot ko.

"Ako lang ang uuwi Vince," ang sagot nito.

"Ah ganun ba, sige sunduin kita pag ok na schedule mo," ang pangako ko kay Joy.

"O sige bye na muna Vince, thank you sa lahat-lahat ha," ang paalam ni Joy.

"Wala yon Joy, ingat kayo diyan, bye na rin," ang paalam ko.

Naalala ko ang facebook, tinanong na rin sa akin ito ni Marlon noon, pati ng mga kaopisina ko nagtanong na rin sa akin kung may account ako nito, ngunit bopol din ako sa mga social media na ito, hindi talaga ako makapag-create ng account, ilang subok na ang ginawa ko.

“Itay! Itay! Bakit ninyo kami iniwan?” ang bumasag sa aking pagmumuni-muni, ang lakas nang palahaw ng anak na panganay ni Mang Bugoy.

Medyo mahina na ang ulan, nakapayong pa rin ako, pinahiram ako ng isa sa kamag-anak ni Mang Bugoy,medyo kagalang-galang kasi ako sa aming lugar, siguro dahil sa pakikisama, wala akong hinindiang humingi ng tulong sa akin.  Katuwiran ko ay mas mabuting ako ang hinihingian kaysa ako ang nanghihingi.

Naalaala ko ulit ang nangyari kay Marlon, nakakainis! nagi-guilty kasi ako, nakita ko nang nakipag-usap pa si Aubrey sa foreigner na iyon noong nasa restaurant kami at may binigay ang dayuhan na parang isang calling card, hindi ko sinabi kay Marlon kasi baka masamain niya na ”masama ang tingin” ko agad kay Aubrey.

Hindi pala ako nagkamali, kalahi niya si May-Ann.

Tsk, tsk, lalo tuloy akong nainis sa mga katulad nila. Puwedeng nagpapaasa sila sa mga lalaking madaling mauto o hindi sila makuntento kung ano ang meron na sila o ang matindi ay mga kiri na, landi pa sila. Iilan lang naman sila, ngunit malaki ang naging epekto nito sa isipan ko tungkol sa pag-ibig. Minarkahan ko at isinumpang ang ugaling iyan ay isa sa dapat kong iwasan kung ako man ay iibig sa isang babae.

“Vince, iho,” ang tawag sa akin mula sa likuran ng isang tinig ng matandang babae.

Paglingon ko ay parang nakita ko ang multo ng aking nakaraan, ang aleng kinatatakutan ko simula ng aking kabataan, ng elementary days, sabihin na natin na hanggang college days ko pa.

Si Aling Pamela Juan, ang matandang dalagang ate ni Mang Bugoy.

Biglang nilipad ako ng aking pasaway na alaala noong ako ay Grade 1 pa lamang.

Sa ‘School Year of 1984-1985’.




Chapter 2:  Name Game


School Year 1984-1985

Excited ako sa pag-uwi mula sa first day ko sa school, Grade 1 na ako.  Elementary pupil na, gusto kong pagrecitin sana ako nung teacher ko ng Abcd o Abakada, kayang-kaya ko iyon o mag-one plus one equals two, two plus two equals four, four plus four equals eight, kahit hanggang 128 plus 128 ay kabisado ko, equals two hundred fifty six. Sayang pinaglinis lang kami ng classroom sa unang araw namin sa school.

Pagkalabas galing school ay naglakad ako ng dalawang kalsada bago ang eskinita namin, suot ko ang kulay gray na polo shirt na may logo ni Batman, ang paniking nakabuka ang dalawang pakpak, ang pogi ko tuloy sa tingin ko.  Nakita ko ang tindahan ni Mang Enteng, tamang-tama may piso pa ako, bibili ako ng sticker ni The Amazing Spiderman at isang juicy fruit gum, eto ang mga uso ngayon, sticker ng mga super heroes at ang matamis na chewing gum.

"Pabili nga po ng sticker ni Amazing Spiderman at isang juicy fruit nga rin po," ang pasigaw kong bili sa tindahan ni Mang Enteng.

"Iho eto na yung sticker at eto na yung juicy fruit mo," ang mabilis na bigay ni Mang Enteng.

Mabilis kong binuksan ang chewing gum at nginuya at nilaro-laro sa aking bibig habang pinagmamasdan ang sticker na binili ko.  Iniimadyin ko kung saan ididikit ito, "Alam ko na sa bag ko para bida ako sa mga kaklase ko," napangiti ako sa ideyang pumasok sa isip ko.

Pssssst. Ang sitsit mula sa aking likuran, sa tapat ng tindahan ni Mang Enteng.

Paglingon ko ay nakita ko ang isang aleng may matalim na mata, nakatingin sa akin, siya ang sumitsit, pinapalapit niya ako sa bahay niya, sobrang talim ng kaniyang mga mata, natakot ako, nabitiwan ko ang sticker ni Spiderman na parang gagambang naubusan ng sapot at na-shoot sa kanal, at nalunok ko bigla ang chewing gum sa sobrang kaba.  Payuko akong naglakad nang mabilis at hindi lumilingon sa sumisitsit pa ring aleng matalim ang mga mata.

Pssssst. Psssst. Pssst. Ang pahina nang pahinang dinig ko sa sitsit ng ale. Di ako lumilingon at nakarating ako sa bahay naming parang lumilipad sa bilis nang paglakad.

"Si Aling Pamela iyon," ang sabi ng kalaro kong si Ian na natatakot din sa kuwento ko nung pumunta kami sa basketball court para magbisikleta.

"Mangkukulam daw iyon sabi ng nanay ko," ang patuloy nito.

"Bakit parang ngayon ko lang siya nakita?" ang nagtataka kong tanong kay Ian. Pero lalo akong natakot sa aking narinig mula rito.

"Galing daw Capiz, kapatid ni Mang Bugoy," ang sagot ni Ian na mas matanda sa akin ng dalawang taon.

"Hala, Baka aswang pa iyon!" ang natatakot kong wika sa aking kalaro.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

Nakasanayan ko nang kapag mapapatapat kala Mang Bugoy na malapit sa kanto ng eskinita ay mabilis na ang paglakad ko upang hindi ko makita si Aling Pamela, mula Grade 1 hanggang Grade 6 ay ganun ang mga pangyayaring paulit-ulit na ginawa ko upang makaiwas sa aleng matalim ang mga mata.

Bago Mag-Summer of 1990

Narinig ko minsan, noong ako ay Grade 6 na habang katatapos pa lang ng 4th Grading Periodical Test namin at maaga kaming pinauwi sa school ang usapan ng mga babaeng naghihingutuhan at ang dalawa ay naglalaba sa may igiban sa gilid ng bahay ni Aling Isa.

"Naku si Aling Pamela, mangkukulam daw iyan sa Capiz, kaya ingat kayo, huwag ninyong gagalitin iyan," ang sabi ni Doris habang pinapalo-palo pa ang mga damit na kaniyang nilalabhan.

"Oo nga, ayan yung balitang kumakalat dito, kaya walang kaibigan iyan dito, at walang nagtatangkang lumapit sa kaniya," ang susog ni Inday Barang na kilalang tsismosa sa aming lugar.

Isang hapon na padilim na matapos ang aming final practice para sa graduation ay masaya akong pauwi galing school, nakangiti akong inaalala ang lyrics ng Eternal Flame na magiging pinaka-themesong namin sa graduation.

🎡"Close your eyes,
Give me your hands, darling,"🎢

Nang biglang.  Psssst, psssst.

Paglingon ko ay si Aling Pamela na parang nanlilisik ang mga matang tumatawag sa akin.

Walang lingon-likod na kumaripas ako ng takbo pauwi sa bahay namin.

"Ano na naman nangyayari sa iyo Vicente?" ang tanong ng mahal kong inay na nagluluto na ng hapunan namin.

"Wala po nay, naiihi lang po ako kaya ako nagmamadali," ang palusot kong wika.

Pagkakain ko ay nagbasa lang ako sandali ng Aliwan at Tapusan komiks na inarkila ko kala Aling Esper na kalapit- bahay lang namin. Inaantok na kaagad ako, tamang-tama maaga ang graduation namin, alas-siyete ng umaga.

Maaga akong nakatulog at nakaramdam na naman ng pagka-ihi kaya bumaba ako sa aming banyo upang umihi.

Pupungas-pungas pa ako habang ishinu-shoot ang ihi ko sa toilet bowl naming kulay yellow, di ko alam kung kulay dilaw talaga siya o nagkulay yellow na lang sa katagalan, pis inay.

Pagkatapos kong kiligin ay lumabas na akong banyo upang umakyat sa aming kuwarto sa itaas. Nang biglang.

Psssst, psssst.

"Ano yon?" ang bulong ko habang dahang-dahang lumingon sa gawing bintana namin na jalousy na bukas at natatakpan lamang ng manipis na kurtina.

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Aling Pamela na nakangiti at tila baga'y kumakaway sa akin pero ang mga mata ay parang nanlilisik pa rin.

"Aaaaaaah!" ang malakas kong sigaw biglang gising at bangon mula sa aking papag na may kulambo pa.

"Vicente! Vicente! Anong nangyayari sa iyo?" ang sigaw ni itay habang kinakatok ang aking maliit na kuwarto.

"Haaah, panaginip lang pala," ang bulong ko at biglang sagot kay tatay, "Wala po itay, sorry po, tulog na po ulit kayo!" ang sigaw ko upang marinig nang malinaw ni tatay.

"O sige matulog ka na rin at maaga pa ang graduation mo bukas," ang paalala ni itay.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

"Kiriiiing, kiriiiiing," ang basag ng ring ng telepono habang ako ay nagbabasa ng libro ni Bob Ong na 'Bakit baligtad magbasa ng libro ang mga Pilipino?'.

Eto ay bago ako makipaglibing kay Mang Bugoy.

"Hello," ang bati ko.

"Hello Vince, musta na? Ayos na mga papeles at ticket ko, sa Sabado na ang uwi ko diyan sa Pilipinas," ang masayang bati ng nasa kabilang linya na si Joy.

"Eh di ayos, anong oras para masundo kita sa airport?" ang natuwa kong wika at tanong sa kaniya.

"Gabi na, mga 7pm ang arrival ko diyan," ang sagot ni Joy na dama ko ang pagkasabik ding makauwi sa Pinas pagkatapos nang sampung taon, ang huli niyang uwi ay noong 2003 sa pagkakatanda ko.

"Sige huwag kang mag-alala Joy, susunduin kita at magiging driver-alalay mo ko sa pag-stay mo dito," ang sagot ko sa kapatid ng aking bestfriend.

"Thank you Vince sa lahat-lahat, napakabuti mo talaga," ang may sinseridad na nadama kong wika ni Joy sa kabilang linya.

"Wala iyon Joy, tayo-tayo lang ang magtutulungan ngayon, lalo na at wala kayong kamag-anak dito sa Maynila," ang sagot ko.

"Salamat Vince, see you soon," ang masayang wika ni Joy.

"See you soon Joy, ingat ka sa biyahe," ang wika ko.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

School Year 1992-1993

Third year high school ako.  Transferee mula sa private patungong public school, sabay pumanaw ang aking mga magulang noong nakaraang taon, sa isang madramamg aksidenteng ayoko pa ring pag-usapan dito.

Medyo naiilang ako sa mga bago kong kaklase, magkakakilala na sila samantalang ako ay baguhan lamang at nasa isang sulok ng silid-aralan.  Maraming estudyante at kaniya-kaniyang kuwento tungkol sa naging bakasyon nila noong summer.

May nakatawag-pansin agad sa akin sa unang araw pa lamang ng eskuwela, mukhang ismarte ang babae at maaliwalas ang aura niya habang kausap ang mga kaklase ko ring babae. Agad akong napahanga sa matamis niyang ngiti at sa buhok niyang alun-alon na para bang may pagkakulay mais pa. Pinapalo niya pa ng kaniyang kamay ang kaniyang mga kaibigan habang nakikipagkwentuhan, nakikita ko sila sapagkat ako ay nasa bandang likuran ng klase habang sila ay nasa gawing harapan ng klase.

Wala pa siguro ang adviser namin na si Mrs. Bautista, nalaman ko ang pangalan ng aming gurong-tagapayo dahil sa detalyeng nakalagay sa pinto ng room namin:

Year: Third  Section: Maaasahan
Gurong Tagapayo: Gng. Ma. Aurora B. Bautista
Bilang ng Mag-aaral: 47
Lalaki: 15
Babae: 32

Lumipas ang isang oras nang kuwentuhan ng mga estudyanteng magkakakilala na halos lahat, na sa tingin ko ay OP ako, hindi kasali, hindi makasali o ayaw makisali.

Nang biglang napasulyap sa akin ang kanina ko pang tinitignan na binibini na lalong lumuwang ang pagkakangiti nang magtama ang aming mga paningin, parang may mga paru-parong biglang nagsiliparan at nagsi-lapitan sa akin upang ako ay hatakin papalapit sa kaniya, habang umuulan ng mga rosas na iba’t ibang kulay sa loob ng aming silid-aralan. Nagkulay bahaghari ang paligid at para akong dinuduyan ng malamyos na hangin na tila baga’y humahalik sa aking pisngi at yumayakap sa nag-iinit kong damdamin.

Mukhang natagpuan ko na yata ang pag-aalayan ko ng aking kastilyong buhangin na nililok at iminolde ko sa hangin. Sumimple akong sulyap sa kaniya at nagtama muli ang aming mga mata, napangiti siyang muli at parang tumango pa siya sa akin bilang rekognisyon sa aking presensiya sa kaniyang paningin. Bigla siyang tumigil sa pakikipag-usap sa kaniyang mga kasama at tumitig siya sa akin.  Nakupo, biglang tumingin sa akin ang tatlo niyang kausap na mga babae at sabay-sabay na napangiti sa kaniya at nagtawanan sapay apir.  Para akong natutunaw sa aking kinauupuan, parang yelong biglang nadarang sa nag-aapoy na kalan.  Tunaw si Vince!

Biglang may umupo sa katabi kong upuan, lalaking medyo may kaitiman ngunit may itsura at may tantalaysing na mga mata.

“Hi classmate, may nakaupo rito?” ang tanong nito sa akin.

“Wala classmate,” ang sagot ko.

“Sige, dito na lang ako uupo ha, tabi tayo,” ang paalam nito.

“Okay lang, sige,” ang sagot ko.

Mabuti na lang at dumating ito, kundi hindi ko alam kung paano mag-dis-appear sa upuan ko kaninang parang nakatingin na sa akin ang grupo ni magandang binibini.

"Classmate bago ka rito ano?" ang tanong ng parang Fil-Am na kaklase ko dahil sa kulay nito.

"Oo classmate, transferee ako," ang sagot ko sa kaniya.

"Anong pangalan mo?" ang tanong sa akin ng aking kaklaseng sa tantiya ko ay kasinglaki ko ngunit mas payat sa akin ng konti.

"Vince, classmate, eh ikaw?" ang sagot at ganting tanong ko.

"I'm Jules, Julius Rocksteel," ang sagot nitong tila baga'y may accent pa ang pagkakabigkas ng kaniyang apelyido.

"Sige classmate, wala naman tayong teacher ngayon, at hindi pa regular yung klase, eskapo muna ako," ang sabi pa nitong biglang tayo at labas ng classroom.

Ako naman ay nanatili sa aking upuan at nagbilang na lamang ng mga tawa at halakhak ng aking mga kaklaseng busy sa pakikipagkuwentuhan tungkol siguro sa kani-kanilang mga adventures noong bakasyon.

Nang mapagod ang aking mga tenga at isip sa kabibilang ng kanilang mga tawa't halakhak na siguro kung hindi ako nagkakamali ay mga isandaan at apatnapu't tatlo ay tumigil na rin akong magbilang, biglang may pumasok sa classroom na isang faculty member sa tingin ko at nagsabing.

"Kung mag-iingay lamang kayo ay maari na kayong lumabas o umuwi na lamang kasi hindi na darating ang inyong gurong si Mrs. Bautista, may meeting din ngayong tanghali ang faculty," ang sabi ng titser na may katabaan.

Halos sabay-sabay naglabasan ang mga kaklase ko pagkarinig nito, hinanap ko si classmate na may magandang ngiti at kulay mais na buhok. Aba, sumulyap pa sa akin bago lumabas, tinambol bigla ang puso ko sa pagtingin na iyon sa akin. Yumuko na lamang ako dahil nakaramdam na naman ako ng hiya.

Nilakad ko na lang pauwi ang sa amin habang iniisip si classmate na parang laging nakangiti.  Ano kaya pangalan niya, siguro Angelica, kasi mukha siyang anghel, crush ko na talaga siya. Haaaay, ang buntong-hininga ko habang pinupunasan ang pawis na tumutulo sa noo ko at sinisipat ang black shoes kong parang namuti agad dahil sa paglalakad ko galing eskuwela.

Kinabukasan, ganun pa rin ang eksena, medyo tumahimik na lamang nang kaunti ngayon, mukhang wala pa rin si crush, baka late lang.  Wala pa rin ang teacher namin, may sakit pala ang anak kaya malamang hindi pa makapasok sa unang mga araw ng klase , wrong timing ika nga.

Makalipas ang isang oras, may pumasok na teacher.  Guro pala namin sa Filipino, si Gng. Perez. Nagpasulat  lang sa index card ng aming kumpletong pangalan, edad at kasarian at ipinasa namin sa kaniya.  Matapos naming maipasa ang mga index cards ay binasa niya isa-isa ang pangalan naming mga estudyante, sayang malalaman ko na sana yung pangalan ni crush kaya lang parang absent yata siya.

“Vicente P. Inocencio,” ang sambit ng aming guro.

“Narito po MaΓ‘m,” ang sagot ko.

“Julius M. Batongbakal,” ang tawag nito pagkatapos ng aking pangalan.

“Narito po,” ang sagot ni Jules na katabi ko.

Nagkatinginan kami.  Sabay ngiti sa akin ng katabi kong si Fil-Am. “Rocksteel pala ha, ogag,” ang bulong ko sa sarili, sabay ngiti rin dito.  

Recess time, stay pa rin kami kahit walang adviser kasi meron na raw mamayang available na iba pang teacher para sa ibang subject after ng recess.

Ayoko sanang mag-recess pero napilitan akong pumunta sa canteen kasi nangangalay na ang puwit ko sa kakaupo ng dalawa't kalahating oras. Bumili lang ako ng burger at zesto saka umupo ulit sa bakanteng pandalawahang table sa gilid ng canteen. Tahimik at nakayuko akong kumakain nang biglang.

"Hi classmate, may nakaupo rito?" ang basag ng babaeng classmate ko na walang iba kundi si classmate na may kulay mais na buhok sabay turo sa kaharap kong silya.

"Ah eh wala," ang nabigla kong sabi na halos masipsip ko ang buong straw ng zesto sa kabang lumukob sa akin.

"Bago ka rito ano?" ang tanong ni girl.

"Ah, oo, transferee ako," ang sagot ko.

"Saang school ka galing?" ang tanong ni Angelica, este ni classmate.

"Sa --- ----  ----  ---- ----," ang sagot ko.

"Aba, exclusive school for boys iyon ah," ang wika niya. "Halos lahat daw roon pogi," ang nakangiti nitong patuloy.

"Hindi naman, 50/50 lang, may mga pogi meron din namang mga panget," ang wala sa sarili kong bigla kong nasagot sa classmate na crush ko na yatang talaga.

"Hihihi, nakakatawa ka naman, eh ikaw ano ka sa tingin mo?" ang tanong ni classmate na mukhang friendly.

"50/50 rin," ang mabilis kong sagot na para bang naglalaro ako ng Battle of the Brains ni David Celdran sa napabilis kong sagot dahil sa tensiyon pa rin.

"Paanong 50/50?" ang mausisang tanong ni Cristy Fermin, este ni classmate.

"Ahhh," nag-isip ako ng konti bago bumuntung-hininga, bilang pampakalma lang sa harap ng crush ko.

"50/50, kasi di ko malaman kung pogi o kung panget ako," ang nahihiya kong sagot na busilak sa aking kalooban.

"Pogi ka kaya!" ang mabilis nitong sagot na nagpainit at nagpapula sa mukha ko.  Feeling ko lahat ng sinag na nagmumula sa Haring Araw sa pagkakataong iyon ay nakasentro lamang sa pagmumukha ko. Nahihiya na  naman ako.  Kasi si classmate ay pangatlo pa lamang na nagsabi sa akin na pogi ako.

Una, ang mahal kong ina.

Pangalawa, si Mang Mata.  Si Mang Mata, kaya tinawag na mata ay dahil sa kapal ng salamin na suot-suot niya na nagpapalaki sa kaniyang mata.  Masyadong malabo na kasi ang paningin niya. Naalala kong tinawag niya akong pogi noong naglalaro kami ni Marlon ng chess sa tapat ng barberya ni Mang Somi sa may kanto.

"Pogi, tumira ka na, ang tagal mo namang tumira eh," ang sabi sa akin ni Mang Mata na miron namin sa chess ni Marlon.

Natulala kasi ako noon nang makita ko si Mang Bugoy kasama si Aling Pamela na naglalakad pauwi sa kanila. Noong tinawag niya akong pogi, hindi naman ako masyadong nahiya hindi katulad ngayon, haaay si crush naman kasi eh.

"Ano bang pangalan mo classmate?" ang basag sa aking ala-ala ni classmate.

"Ah eh, Vince, Vicente Inocencio," ang sagot ko.

"Ah ok, nice meeting you," ang sabi sa akin ni crush sabay tayo nito at paalis na sa aking harapan.

Biglang naisipan kong tanungin ang mala-anghel niyang pangalan.

"Nice meeting you classmate, Ah ikaw anong name mo!" ang medyo malakas kong tanong kay crush na hindi pa naman nakakalayo mula sa aking kinauupuan.

"I'm Pam classmate, Pamela Wan," ang sagot nitong nakangiti habang patuloy na naglalakad papalayo sa akin.

Bigla akong natulala. Ang kastilyong buhangin na iminolde ko sa hangin kahapon ay parang nillipad nang tuluyan sa himpapawid.  Hindi ko na mahagilap at lumalagos na lamang sa aking mga palad ang bawat butil nito at parang napuwing pa yata ako.

Ang nag-aalab ko namang damdamin kanina ay parang binuhusan ng isang drum na tubig na may yelo, na-brain freeze ang aking puso.

Susmarya Katilpo, kapangalan ng crush ko ang aleng kinatatakutan ko, at hindi lang iyon, katunog pa nito ang kaniyang apelyido. Mukhang hindi lang ako biniro ng tadhana, niloko at binatukan pa ako nito sa aking pakiramdam. Nalusaw bigla ang umuusbong ko palang na damdamin para kay classmate.

πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”πŸ’”

"Vince, Vince, naiintindihan mo ba ang mga sinasabi ko?" ang tanong ni Aling Pamela at putol sa mahaba kong paglalakbay sa nakaraan.

"Ah sorry po Aling Pamela, ano po ulit iyon?" ang medyo naiilang ko pang tanong sa matandang kinatatakutan ko noon na ngayon ko lamang nakausap.  Hindi na ako takot ngayon kay Aling Pamela, bukod sa nag-matured na rin ako(?), ay nadiskubre rin ng aming mga kapitbahay na mabait pala ang aleng may matatalim na mata, ito ay nangyari noong ako ay nagtra-trabaho na. Marunong palang makisama ang ale at ganun lang pala talaga ang mga mata niya. Pinanganak siya na may matatalim na mata ngunit malumanay pala kung magsalita at hindi marunong magalit.  Ito ang mga naririnig ko na sa mga kapitbahay ko habang nagkukuwentuhan kapag bumibili ako ng diyaryo sa umaga o ulam sa karenderya ni Aling Pinay.

"Ang sabi ko, matagal na kitang gustong makausap, noong bata ka pa lang, kasi nakita ko na ang magiging problema mo noon," ang sabing malumanay ni Aling Pamela Juan.

Narinig ko ang accent ni Aling Pamela, galing kasi itong Visayas region kaya may puntong pagka-“Brit-Vis” ang accent, British-Visaya.

Biglang nilipad na naman ako ng pasaway kong ala-ala noong First Year College ako.

School Year 1994-1995


Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God