Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro presents Series#2 Si Aling Kring Kring, si Mayor at ang aking kahilingan


Image result for pangangampanya sa pilipinas


Naluluha ako kapag naalala ko yung nangyari kay Binoy kahit dalawang buwan na ang nakalilipas. Tandang tanda ko pa na pagkatapos magbayad ni Binoy sa akin ay bumalik agad na nag-aalangan na nagsalita.
"Kuya baka meron kang ekstrang dalawandaan diyan, panimula ko lang at pambaon ng mga anak ko habang di pa ako sumasahod", nahihiyang sabi ni Binoy.

Kapag ganito ang usapan at dahilan ay hindi ako mahirap kausap.

"Salamat kuya, makakabawi rin ako sa yo", tuwang-tuwang pangako ni Binoy.
Naluluha ako hindi dahil sa inutang niya (pero parte na rin yun, bawat piso kasi sa pagtitinda ay mahalaga pero abuloy ko na yon sa kanya) kundi dahil sa magandang pangarap na ninakaw ng pangit na sistema ng lipunan.

Ang dalawang anak niya ay kinuha na ng kaliwete niyang asawa dahil nakikita ko minsan kapag bumabiyahe sila ng kinakasama niyang traysikel driver. Ang mga pangarap ng dalawang bata ay parang alipatong lumipad na lang sa papawirin na biglang naglaho. Lalong hindi magmamalasakit ang kanilang amain, ang ina nga ay walang awang iniwan sila dati, ang kabit pa kaya ang maaawa.

Lagpas alas-diyes na pala. Katatapos lang maglabasan ng mga construction workers na mga nag-overtime at halos humupa na ang buhos ng mga tao na nagsibilihan sa aking tindahan.

Nalibang din kasi ako sa panonood ng isa sa episodes ng Ancient Aliens sa History Channel.

Magsasara na ako. Mabilis mawala ang tao ngayong gabi sa kalsada. Ang agang napagod ng masa. Wala nang nakapila na traysikel sa terminal, matumal na rin ang daan ng mga sasakyan sa kalsada.

"Pedro, iho isa ngang Pampers na large", si Aling Kring Kring na halatang pagod sa tono ng pananalita.

"Eto po nay", sabay kuha ko sa bayad.

Mabagal na naglakad at tumawid si Aling Kring Kring sa kalsada papuntang riles. Hinabol ko ng tanaw ang abang matanda dahil napansin kong namumutla siya.

Sumabay pa ang ambon sa lungkot ng panahon, ambon sa buwan ng Marso.

Habang hawak ko ang CP ko para tignan kung anong oras na ay sinarado ko ang estante na lalagyan ng mga biskwits at bahagyang nilingon muli ang matanda sa labas nang biglang makita kong nakahiga sa kalsada si Aling Kring Kring, hinimatay yata ang matanda dahil wala naman akong narinig na dumaan na sasakyan para ito masagasaan.

Palabas na ako upang siya ay tulungan nang makita kong may humahagibis na Fortuner na kulay itim na biglang huminto sa tapat ng matanda.

Skreeeeet!!! tunog ng sasakyan sa bigla nitong paghinto. Lumabas ang makisig na lalaki na kahit may edad na ay bakas pa rin ang ganda ng katawan. Awtomatikong binuhat ng mama si Aling Kring Kring, habang humahanga ay naisipan kong i-video ang kabayanihang ginagawa ng mamang samaritano sa aking cellphone.
Tamang-tama may isang traysikel na dumarating na ang driver ay kapit-bahay ni Aling Kring Kring. Kinausap ng lalaking tumulong ang driver at patakbong pumunta sa bahay ng matanda ang traysikel driver upang tawagin ang pamilya nito. Kasama nitong humahangos pabalik ang manugang nito habang nahihimasmasan na si Aling Kring Kring.

"Mayor!!!, salamat po" ang bulalas ni Aling Kring Kring.

Bigla akong napatda sa narinig, aba si mayor nga, ang bulong ko sa sarili.

"Ineng, alalayan mo si nanay sa pagtayo at may kukunin lang ako sa sasakyan" ang utos ni Mayor sa manugang ni Aling Kring Kring.

Napakatahimik ng paligid kaya malinaw kong naririnig ang malakas na boses ni Mayor.

Pagbalik ni Mayor ay may perang dala na ibinigay kay Aling Kring Kring.

"Nay, kunin niyo po ito baka sakaling makatulong.  At kung nais niyong magpa-check up ay pumunta kayo sa opisina ko bukas sa City Hall para ma-refer ko kayo sa ating ospital para agad kayong maasikaso"ang sabi ni Mayor.

"Maraming salamat po Mayor" ang sabay na sagot nila Aling Kring Kring at ang manugang nito.

Umalis na ang sasakyan ni Mayor, nag-iisa lang siya noong oras na iyon at walang kasamang tauhan o bodyguard.

Mabuting tao talaga si Mayor.

Isang linggo matapos ang pangyayari ay campaign period na para sa lokal na pamahalaan.

Malakas ang kalaban ni Mayor, anak ng bilyonaryong negosyante sa siyudad namin. Bumabaha ng pera at pagkain kapag pumupunta sa bawat barangay para mangampanya.

"Ang lakas niyang anak ni Mr. Ty sa mga botante ngayon kaya kahit mabait si Mayor ay tiyak na tataob ito diyan sa anak ni Mr. Ty" sabi ni Mang Felipe sa harap ng tindahan ko kausap ang kanyang kumpare habang naghihintay ng dyip na masasakyan.

"Naku sinabi mo pa, sa barangay namin tiyak landslide yan, kawawa naman si Mayor, tsk" saad ng kanyang kumpare.

Nalalapit na ang botohan, ganun pa rin ang pulso ng mga tao sa aming lugar. Kahit kalat ang balita na kaya nilabanan ng anak ng negosyante na si Mr. Ty si Mayor ay dahil hindi pinagbigyan ni Mayor ang hiling nito na bilhin ang lupang kinatatayuan ng maraming squatters malapit sa riles at gagawin sanang mall na kanilang pangunahing negosyo. May hidden agenda ang pagtakbo nito, gustong durugin si Mayor para walang hadlang sa pagkamkam nila ng lupa ng gobyerno. Batikos dito at batikos doon ang ginawa kay Mayor, may mga binayaran na malalapit sa kanya upang bumalimbing at siraan siya. Money talks.

Tahimik lang sa pangangampanya si Mayor ngunit mapapansin na hindi ganoon kainit ang pagtanggap sa kanya ng mga tao. Ang matuwid ay kinakain ng masamang gawa at ang mga tao ay nagpapatianod sa maling sistema at persepsiyon, ang pagmumuni-muni ko habang nakikita ang malamig na pagtanggap kay Mayor ng mga tao sa harap ng tindahan. Nilapitan ako ni Mayor na nakangiti pero walang salita na namutawi sa kanyang bibig, kinamayan ako at sa mga mata niya'y nakita ko ang nangungusap na mabuting tao na nanghihingi ng tulong at suporta sa nalalapit na botohan. Nginitian ko siya sabay sabing "Mayor".

Isang linggo bago ang Eleksyon.

Pupungas-pungas pa akong naglalakad papuntang tindahan namin para magbukas, madilim pa lang ay marami nang humahangos upang pumasok sa construction site.  Kahit madilim pa ay parang tinanghali na nang gising ang pakiwari ko kapag ganitong nauunahan ako ng buhos ng mga tao.  Di kailanman ako tinanghali ng gising at naunahan ng sikat ng Haring Araw, dahil naniniwala akong ang maagang ibon ang siyang nakakahuli agad ng bulate, ng matatabang bulate.  At daig pa rin ng maaga ang huli.   

Nakasabit ang maraming banderitas, poster at tarpaulin ng mga pulitiko, parang piyesta sa dami ng kulay sa aming kanto, sa tapat ng eskuwelahan at sa kalsada, habang idinuduyan nang bahagya ang mga ito ng mahinang hangin sa umaga.

Nakaabang na ang mga suki ko, habang nagbubukas ng tindahan ay marami nang nakatanghod upang bumili  ng instant coffee, sigarilyo, shampoo at ang iba’y mag-papaload.  Hindi ako namimili ng buwenamano, naniniwala akong kung para sa iyo ay para sa iyo. Pinagsisikapan ang suwerte.

Tatlumpung minuto ang nakalipas ay medyo humupa na ang buhos ng mga tao, binuksan ko ang TV upang manood ng pang-umagang programa at balita.  

“Tampok ngayong umaga ay ang viral video ng isang mayor na na-upload sa internet with hashtag (mayor na mabuting samaritano) na may magandang kalooban na tumulong sa matandang babae na hinimatay sa gitna ng kalsada sa dis-oras ng gabi, nasagip niya ang matanda sa mas matindi sanang pinsala tulad ng pagkasagasa kung hindi siya agad tumulong upang buhatin ito at dalhin sa gilid ng kalsada o mas ligtas na lugar” sabi ni Arnold Taberna.

“Eto ay naging viral agad sa Social Media dahil sa sinseridad ng pagtulong ng Mayor na ito. Kilala talaga si Mayor na mabait sa kanilang lugar at bukas-palad sa mga nangangailangan.” dagdag ng News Anchor.

“Ngunit may nagsasabi lalung-lalo na ang kalaban nito sa pulitika na ito ay political gimmick lang at scripted daw ang mga pangyayari”  sabat ng kasamahang babae ni Arnold Taberna.

Kaya kasama natin ngayon ang Matandang babaeng tinulungan, ang manugang nito at ang kapit-bahay nilang traysikel driver na saksi sa insidente, at ang mismong Mayor na ayaw pa nga sanang magpa-interview ngayon baka raw kasi sabihin na ginagamit niya ito sa pamumulitika” ang sabi ng News Anchor.   

“Hindi na sumama para magpa-interview ang nag-upload ng naturang video pero pinatunayan nito na kahit dummy account ang ginamit niya, ang mga kaibigan niya sa account na iyon ang tumulong upang maipakalat ito, wala siyang ibang hangad kundi maging inspirasyon ang ganitong kabutihan, wala siyang koneksiyon kay Mayor at base sa kanyang post ay ganito ang nasasaad “ Hindi ako umaasa kahit kaninong tao o kandidato  sa Diyos lang ako umaasa at sa sarili ko, pero dapat mabatid ito ng nakararaming tao para maging inspirasyon sa paggawa ng kabutihan sa kapwa”, dagdag ng reporter.

Napanood ko nang buo ang interview at napatunayan nila na hindi gimmick at scripted ang viral video ni Mayor.  Napatunayan din na hanggang sa huli ay tinulungan ni Mayor si Aling Kring Kring sa pagpapagamot at pagbibigay ng mga libreng gamot para dito.  Naipaliwanag rin kung saan galing si Mayor noong oras na iyon at kung bakit siya nag-iisa.

Kumalat lalo ang video at naging milyon ang likes at ilang libo ang naging shares, ilang araw bago ang eleksiyon.

Instant political ads ang nangyari, ang lokal na kumpetisyon ay nakarating sa nasyonal, sa telebisyon at pumabor kay Mayor.  Ang naturang video ang naging game changer, breaks of the game o last minute run kung baga sa basketball.  Ang bango ni Mayor sa lugar namin, nagbago ang ihip ng hangin.

Dalawang buwan matapos ang Eleksyon.

Sa bukang-liwayway ay may bagong pag-asang sumisilay sa payak na lugar na ito sa siyudad.  Ang mga tao dito ay mga karakter sa entablado ng buhay na nakikipagsapalaran at nakikipagbaka mula sa iba’t ibang uri ng palabas, sari-saring kuwento at iba’t ibang karakter at mga bida.   

Pupungas-pungas na naman akong naglalakad papuntang tindahan namin para magbukas, madilim pa lang ay marami nang humahangos upang pumasok sa construction site at sa eskuwelahan.  Kahit madilim pa ay parang tinanghali na nang gising ang pakiwari ko kapag ganitong nauunahan ako ng buhos ng mga tao. 

Kagaya ng dati, nakaabang na ang mga suki ko, habang nagbubukas ng tindahan ay marami nang nakatanghod upang bumili ng instant coffee, sigarilyo, shampoo at ang iba’y mag-papaload. 

Tatlumpung minuto ang nakalipas ay medyo humupa na ang buhos ng mga tao, habang napansin kong may papalapit na pamilyar na pigura sa aming tindahan.  Si Mayor na medyo nagbalatakyo pa nang kaunti sa pamamagitan ng baseball cap at medyo may kaitiman na salamin. Nalaman niya na pala kung sino ang nag-upload ng viral video.

“Iho, narito ako upang pasalamatan ka sa nagawa mo sa akin, nabago ang pangyayari dahil sa video na yon” ang sabi ni Mayor.

“Walang anuman po iyon, ginawa ko lamang po ang naaayon sa prinsipyo ko Mayor” ang sagot ko.

“Iho, nakakahiya man ito pero gusto kong mabigyan ka ng pabor sa ginawa mo sa akin bilang pagtanaw ng utang na loob, humiling ka sa akin at sa abot ng aking makakaya ay pagbibigyan kita” ang sinserong pangako ni Mayor.

Biglang umaliwalas ang paligid at umulan ng ginto at pilak sa aking lugar, nagkaroon ng bahaghari na nagbigay kulay at liwanag sa munti kong kuweba, bumaha ng salapi at sabik kong kinuha ang mga ito at binilang nang –

“Iho, nakapag-isip ka na ba?” nakangiting tanong ni Mayor.

“ Aaaah, Mayor maraming salamat po sa alok ninyo at nakita ko po ang sinseridad ninyo,  ang tanging mahihiling ko lang po ay mawalang-galang lang po,  kung puwedeng tumabi na po kayo kasi marami na pong nakapila para bumili, sayang po ang benta ko” nakangiti kong tugon habang nakatingin sa mga suki kong inip nang naghihintay sa tapat ng tindahan.  


Napatawang naiiling si Mayor at nakuha ang nais kong ipahiwatig. Sumaludo na lang sa akin at nangingiting umalis ng tindahan.    

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God