Uling at Yeso by Papanie Susej


Mula sa punong kahoy sila ay nagka- ideya
Mula sa Kamagong, Narra o Acacia
Nililok, pinaet, lumikha ng diyos at sinamba
Lumuhod, humalik, nagpunas, nagprusisyon, nagmartsa
Ang tunay na dakilang Diyos na lumikha ang sinamba dapat
Milyun-milyon ang nabulag gaya ng buhangin sa dagat
Napopoot ang Diyos, naninibugho at nagagalit
Sa mga taong bulag, mangmang at manhid
Bakit mo sasambahin ang inanyuang kahoy o bato?
Na nilikha lamang ng imahinasyon at kamay ng tao
Mula sa kahoy na ang natira ay ginawang uling na panluto
Mula sa bato at semento na ang nalabi ay naging yeso ng mga guro
Kung nagbabasa ka ng Bibliya iyong malalaman
Ang hinanakit ng Diyos sa inyong kamangmangan
Ang Diyos na lumikha ay mapanibughuin
katulad din natin
Kaya iyong mauunawaan dapat kung saan Siya nanggagaling
Siya ang lumikha, Siya ang nagmahal sa atin
Ngunit ang pagpuri at pagtitiwala sa kahoy ibinabaling
Masakit ang katotohan nakasusugat na parang espada
Ngunit kung iyan ang paraan para makalaya ka sa mga estatwa
Sambahin mo ang Diyos sa Espiritu at Katotohanan
At makakalaya ka, maliligtas sa kasinungalingan
Magsaliksik ka, magbasa at mag-aral ng lubos
Huwag kang sumabay sa dami ng tao at sa kanilang agos
May mga daan kasi na akala mo ay matuwid
Na magdadala sa yo sa pinakamimithing langit
Ngunit ang dulo ay kapahamakan ang hatid
Doon ka ba tutungo aking kaibigan at kapatid?

Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles

You're not a God