Magsusulat pa rin ako, magmamahal at magtitiwala sa Diyos
Lumapag man ang mga anghel sa Hades
At ang mundo man ay lukuban ng dilim
Ang mga dagat man ay muling pumula
Ang pag-ibig ko sa iyo ay walang kaparis
Puno man ng hapis at panimdim
Ilalapat ko pa rin ang aking pluma at tinta.
Takpan man nila ang aking mga mata
Igapos ang aking dila sa pagpinid ng bibig
At ang mga kamay at paa ko ay itali sa takot
Di matitinag ang aking puso at kaluluwa
Palalayain ako ng aking pag-ibig
Kapayapaan sa akin ay babalot.
Mawalan man ng ningning ang mga bituin sa langit
At ang buwan man ay panahanan ng ibang karunungan
Magmamahal at magsusulat pa rin ako
Ang buhay man ay pumusyaw at pumangit
At yakapin ng hilahil, kamatayan at panambitan
Magtitiwala at magsusulat pa rin ako.
Ang luha ko man at dugo ang aking maging tinta
Bumulusok man ang mga pangarap at maging bangungot
At ang mansanas man ni Esteban ay mabulok o maubos
Gagapang ang isip ko sa mga pahina
Ang ispiritu ko ay lilipad at hindi malilimot
Ang pag-ibig, pagsusulat at pagtitiwala ay malulubos.
Kung ang mundo man ay paandarin na lang ng mga baterya
Wala ng puso, namatay at nilumot na ang damdamin
At ang komunikasyon ay nawalan na ng haplos
Umunlad na at nasa lundo na ang teknolohiya
Sa mga plastik na rosas ay wala ng bangong masimsim
Magsusulat pa rin ako, magmamahal at magtitiwala sa Diyos.
Comments
Post a Comment