Mga Kuwentong Tindero ni Maestro Pedro Series#1 Doon Sa May Riles


Image result for riles ng tren squatter

“Ano na ba ang nangyayari sa bansa natin?” sabi ni Manong Construction Worker habang bumibili ng dalawang Fortune Lights at Ice Tubig sa tindahan namin sa may kanto na malapit sa eskuwelahan at construction site at habang nakikinood na rin sa balita sa TV Patrol tungkol sa dalawang presidentiables na gustong magsampalan at magpataasan ng ihi para lamang makakuha ng boto sa mga itinuturing nilang mga bobong botante.  Kasunod noon ay balita naman tungkol sa isang disqualification case ng isang babaeng kandidato rin sa pagka-presidente na kinikuwestiyon ang pagka-mamamayang Pilipino at ang pananatili niya nang kulang sa sampung taon sa ating bansa para maging kuwalipikado sa pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. 

Ngiti ang aking sinukli sa kanyang tanong at sakto lang naman ang kanyang bayad. Napapailing siyang umuwi at sumakay ng dyip sa tapat ng tindahan. Para sa akin, ituloy mo lang manong ang iyong buhay, pakainin mo mula sa iyong pawis at pagod ang pamilya mo, maghanap-buhay ka nang marangal at huwag umasa sa kaninumang tao o kandidato.  Sa kampanya lang magagaling ang mga iyan at pag nakaupo na sa puwesto, siyempre ang uunahin nila yung mga nagbigay sa kanila ng pondo at yung pamilya at mga kaibigan, kasosyalan at kakilala nila -- utang-na-loob at kami-kami muna system.       

“Pedro iho, pabili nga ng noodles, yung Lucky Me Chicken!” sabi ni Aling Kring Kring.
“Hindi pa kasi kumakain yung mga apo ko, wala pa yung magaling niyang ina at yung tatay niya naman ayun at nakikipag-inuman sa mga barkada”, dagdag niya.

“Ilan po?” ang tanong ko.

“Aba’y isa lang, palalanguyin ko yan sa isang galong tubig para dumami at ibubuhos ko sa bahaw para mabusog yung tatlong apo ko” ang sagot ni Aling Kring Kring.

Biglang nabaling sa balita sa TV si Aling Kring Kring, “Yang mga newscasters na yan akala mo ang gagaling puro komento, puro puna sa gobyerno, yung isa diyan naging Bise-Presidente pa, pero ano nangyari, wala!, yung pinanggalingan niya ang binabatikos niya ngayon, Hmp! Walang kuwenta talaga ang bansang ito”.  Sabay abot ng bayad at alis sa aming tindahan ang pobreng si Aling Kring Kring.

Dakilang ina, lola at kunsintidora si Aling Kring Kring, sagot niya pa rin ang mga semilyang ipinunla ng kanyang iresponsableng anak sa dalawang babaeng naanakan nito, at yung huli ay kasalukuyang kinakasama nito sa kanilang barung-barong sa riles.

“Kuya, pa-xerox naman nitong NBI ko at Medical Certificate!” Masayang sabi ni Binoy, isang mason at minsan ay tumatambay dito sa may kanto at nakakakuwentuhan ko.

“Ok ilang copy Binoy?” ang tanong ko.    

“Tig-isa lang kuya, saka pa-laminate na rin nitong I.D. ko, sa wakas natanggap na rin ako diyan sa tapat”. Ang tinutukoy niya ay yung Construction Company na kilalang gumagawa ng mga condominium buildings at malls.

“Tatlong buwan na kaming nakatunganga at PG, salamat at makakatikim na rin kami ng totoong ulam, kawawa rin ang mga bata, madalas ang wala kesa meron, paekstra-ekstra lang, kung minsan naitatakbo pa ng foreman yung sahod namin dun sa isang contractor na nag-mason ako, tsk”, kuwento ni Binoy.
  
“Ah ganun ba, Oh eto na yung mga dokumento mo, buti naman at natanggap ka na” ang sabi ko.

“Sana kuya tuloy-tuloy na to, para hindi naman maging kawawa mga anak ko, lalung-lalo na ngayon na wala na silang nanay na tumitingin sa kanila at nag-aasikaso sa eskuwela” dugtong ni Binoy.

“Basta magtiyaga ka na sa trabahong papasukin mo ngayon at makikita mo na kapag nagsipag ka lang di kayo magiging kawawang mag-aama” ang sagot ko.

“Oo kuya ayun talaga ang gagawin ko. Salamat sa payo mo, kuya” ang sabi ni Binoy sabay abot ng bayad habang nakangiti palayo ng tindahan.

Si Binoy ay tipikal na pilipino na masipag kapag may trabaho at medyo tinatamad kapag tambay na lang. May mga inspirasyon din siya sa buhay katulad ng kanyang dalawang anak, pero hiwalay siya sa asawa na sumama sa isang traysikel driver sa kabilang barangay. Maagang sumuko ang asawa niya sa hirap, pero ang pinalit ganun din, isang kahig, isang tuka. Lumipat lang ng puwesto, pero parehas pa ring impiyerno. Mabait si Binoy at marunong makisama. Hindi rin umaasa sa mga taong nakapaligid sa kanila.  Sariling sikap 'ika nga.

Ang totoong ulam nga pala ay yung niluluto sa bahay o nabibili sa karinderya at hindi yung patis, toyo at konting mantika lang na pinaghalo-halo at isasahog mo sa kanin ay instant ulam na.  Minsan naman imbes na patis o toyo, tig-pipisong sitsirya ang kapalit, pag medyo nakakaumay na.  

“Kuya meron ka bang palara ng Marlboro diyan?” sabi ni Troy habang di mapakali sa harap ng tindahan kasama ang dalawa niyang barkada.

“Wala eh, nabibigay ko sa mga bumibili ng sigarilyo kasama yung kaha lalagyanan kasi nila” pagsisinungaling ko kahit meron. Kaya walang paalam na umalis sila Troy. Alam kong gagamitin lang nila yon sa kanilang bisyo at ayokong pasangkapan sa kalokohan nila. 

Teka lang at ang tagal yata ng misis ko, papalitan niya muna ako dito sa tindahan para makauwi at makakain muna ako sa bahay namin sa looban. 

Bumaling ako sa T.V. Patapos na ang balita at magsisimula na ang palabas o programa ni Coco Martin na revival ng isang pelikula ni FPJ. Kung saan mga police matters o mga problema sa lipunan ang pinapakita na nireresolba ng kapulisan.  Drug Syndicate, droga na parang bubble gum na lang sa amin ang bentahan.  Kada makakasalubong ko yung mga kabataan pati na rin ang katandaan sa amin na dati-rati’y ang lulusog ngayon ay parang nag-South Beach diet na sumobra nang husto sa pagka-payat na halatang hindi dahil sa pag-didiyeta o pag-eehersisyo ang dahilan kundi dahil sa Methamphetamine Hydrochloride. Kaliwa’t kanan ang mga raids pero parang kabuteng nagsusulputan sa tag-ulan ang mga nagrarasyon nito, ang mga tulak ay malaki ang utang na loob sa mga Intsik na pasimuno sa pagkakalat nito sa bayang Pinas, nagkaroon daw sila ng hanap-buhay. Nasakop na talaga tayo ng mga Intsik. May isang pulitiko na susugpuin daw ito, sana nga. Habang ang Koronel na merong adbokasiya na sugpuin ito ay nahuling nasa loob ng shabu laboratory kasama ang kaibigan niyang Intsik.  Pero malulusutan niya raw ang eskandalong ito. Gumulong sana ang hustisya at makamit ang katarungan kung sino man ang nagsasabi ng katotohanan. Ano na nga ba ang nangyayari sa ating bansa?  

Ang mga pulitiko ay abala sa pangungurakot at pagpapapogi, may sari-sarili silang interes:
Ang isang kandidato sa pagka-pangulo ay inuulan ng bintang na graft and corruption, ala-Robinhood ang style niya pero mahal daw ng masa at tumutulong sa mahihirap. 
Ang isa ay pinagmamalaki na itutuloy ang pagtahak sa “Daang Matuwid” ngunit sa paliku-liko at pasuray-suray niyang lakad ang mga tao ay diskumpiyado lalo na sa abnoy niyang amo. Plastik at pakitang-tao sa tingin ng nakararami.
Ang isang may puso ay nakikipaglaban pa sa Supreme Court at hinahanap pa ang sarili. 
Ang isa namang walang puso at di naniniwala sa Diyos ay nawawala sa sarili sa sobrang katalinuhan. 
Yung isang palamura ay may tsansa lalo na sa paglutas ng krimen at droga ngunit walang etiketa. 
Yung isa ay di kilala ng mga tao pero may adbokasiya rin naman kung mababasa sa diyaryo ang kanyang mga artikulo pero tingin ko hanggang pagiging representante lang siya ng isang grupo sa kongreso.  
Wala na bang iba? Meron pa po, dalawang nuisance candidates na pilit na siniksik sa  balota at sa listahan ng mga kandidato sa pagka-pangulo. Wala na bang iba pa? Wala na po.

“Hoy Daddy kumain ka na doon, ang kukulit ng mga anak mo, pero ngayon naglalaro na lang yung dalawa sa cellphone nila”, putol ng misis ko sa aking pagmumuni-muni.

“Sige mommy, ano ulam?” sabay halik sa aking asawa.

“Daing at itlog na may sibuyas at kamatis” sagot ng mahal kong asawa.

“Wow sarap, sige kain lang ako at konting tingin sa facebook, babay” talilis ko.

Medyo madilim yung ilaw sa poste ng Meralco sa tapat ng eskuwelahan habang binabagtas ko yung kalsada papuntang looban namin.  Nakasalubong ko sina Troy at dalawa niyang barkada na may hawak na ng palara na nadelihensiya nila siguro sa kabilang tindahan at seryoso ang mga mukha, hindi ako pinansin o medyo abala lang sa pag-iisip sa susunod nilang aktibidad. 

Habang naglalakad ay kumakalam na ang sikmura ko at medyo naaamoy ko na yung daing at itlog na may sibuyas at kamatis.  Nakasalubong ko naman yung dalawang anak ni Binoy na mga nakangiti sa akin.

“Kuya, makakapasok na kami bukas, may pambaon na kami, binigyan kami ni tatay may nadelihensiyahan yata.” Sabi ni Tolits, ang panganay na anak ni Binoy.
  
“Eh di okay, sige pagbutihin ninyo pag-aaral ninyo para matuwa naman sa inyo tatay ninyo at umuwi na kayo at gabi na.” Sabi ko.

“Opo kuya, bumili lang ng ulam si tatay kala Aling Nena, pero pauwi na rin po kami.” sagot ni Tolits.

Pagdating ko sa bahay ay masaya akong sinalubong at hinagkan ng aking mga anak, sila ang aking buhay kaya patuloy akong nagsusumikap, pinapangako ko na hindi sila mang-aabala o manghihingi kaninuman habang ako ay nabubuhay.  Sipag at tiyaga lang, hindi tayo magiging kawawa sa bansang ito.  At sa tulong at awa ng Diyos at sa patuloy na pagtitiwala sa Kanya, ayos pa at masarap pang mabuhay sa mundong ito.  Sa Diyos lang ako umaasa at sa sarili ko. Yung relihiyon saka na, nagkakagulo pa sila at nagpapatayan at nakakadismaya lang. 

Mabilis kong nilantakan ang nakahain sa lamesa.  Parang may Bagyong Yolanda na sumalanta sa aming lamesa na sa isang iglap ay nabura ang laman nito.  Ubos ang daing at itlog, magagalit sa akin ang pusa dahil pati ulo ng daing ay di ko pinalagpas.  Solved. 

Habang ang panganay ko ay nakikinig ng mga kanta ng BTS, EXO at SNSD, yung mga Korean groups na popular ngayon sa mga tinedyer natin, nasakop na rin tayo ng mga Koreano.  Pero ayos lang, kailangan natin ang ganitong mga kultura, at ang lahi naman natin ay pinaghalu-halong mga lahi na rin.  Ang anak ko namang bunso ay abala sa panonood ng paborito niyang cartoon TV show na Oggy and The Cockroaches, haaay, weird.  Advanced ang mga utak ng dalawa, mas magaling pa sa aking magdownload ng mga games, files, videos, sounds at apps mula sa internet.

Dinaanan ko lang ng tingin yung mga newsfeeds sa FB ko, walang bago, nakakasawa. Tungkol sa pag-like kay Lord and type Amen, away ng mag-kaibigan na brinodkas sa Facebook, naniningil ng utang, matatalinghagang posts mula sa mga foreign pages, sa mga payabangan, payamanan, pasarapan ng pagkain, palayuan ng napuntahan, pagalingan, batuhan ng posts ng nagkahiwalay na mag-syota at padramahan ng buhay.

“Balik na ko sa tindahan at magsasara na kami ni Mommy ninyo maya-maya at mag-aalas–nuwebe na, isara ninyo yung pinto at isasarado ko rin itong gate” sabay halik sa dalawang makulit.

“Babay Daddy, uwian mo kami ng Ice Cream ha at Piattos” sabi ng bunso ko.

“Okay sige pag magaling na yung ubo nyo, next week, Piattos na lang ngayon” sabi ko.

“Okay” sabi ng bunso ko.  Ang dali talaga niyang kausap.

Binagtas ko muli ang kalsada palabas sa kanto at papuntang tindahan namin, medyo kakaiba ngayon kasi ang tahimik dito sa lugar namin.  Habang papalapit ako sa kanto ay nakikita kong may nagtatakbuhan na mga tao papunta malapit sa tindahan namin.  Napatakbo na rin ako dahil nakita kong nagkakagulo ang mga tao.  Nakita ko ang misis ko na nasa labas din ng tindahan at nakatingin sa dako ng riles, dalawampung metro ang layo sa tindahan namin.

“Mommy pasok ka na sa loob at ako na lang ang titingin doon at aalamin ko kung ano ang nangyari” ang sabi kong kinakabahan.

Biglang narinig ko ang sirena ng police mobile car at pinapatabi ang mga usiserong taong katulad ko sa kalsada.  Naroon na rin ang mga barangay tanod at nakita kong duguang nakahandusay sa riles si Binoy habang hawak pa ang plastic labo na may adobong manok at sabaw ng sinigang.  Habang ang dalawang anak niya ay iyak nang iyak sa sulok. 

“Si Binoy, si Binoy, sinaksak ni Troy!” sigaw ni Aling Kring Kring habang sumasalubong sa buhos ng taong gustong mag-usisa sa nangyari.

“Ha, bakit sinaksak?” tanong ni Aling Paloma.    
     
“Di ko rin alam, pero sabog yata sila Troy.” sagot naman nung isang mama na taga-Riles.

“Kawawa naman si Binoy, mabait pa namang bata yan” sabi ni Aling Kring Kring.

“Tumabi kayo diyan!” sigaw ng isang barangay tanod.

Biglang nagtakbuhan ang mga tao, si Troy ay tinutugis ng mga pulis at barangay tanod.  Nag-warning shot ang isang pulis. Napatigil si Troy at mukhang nahimasmasan. Lumapit ang isang pulis at pinosasan siya.

Nakangisi si Troy at nagtanong “Bakit ninyo ako hinuhuli? Dapat magpasalamat kayo at napatay ko yung demonyo!”.

“Tumigil ka at sumama ka sa amin sa presinto” sabi ni SPO1. 

“Nakasalubong ko yung demonyo, nakangisi sa akin at papatayin niya ako, may hawak siyang kutsilyo, kaya inunahan ko lang siya!” Nahihibang na sabi ng sabog pang si Troy.

Nanlumo ako at napatingin sa dalawang anak ni Binoy sa isang bahagi ng riles na walang humpay sa pag-iyak dahil sa nangyari sa kanilang tatay.

“Halika na magsara na tayo” sabi ko sa misis ko habang pabalik ako ng tindahan.

Kinuwento ko sa misis ko ang nangyari.

Tatlong pangarap ang nasira na naman ng salot ng lipunan at marami pa ang masisira habang si Troy lang ang naposasan.

Sa kabilang dako sa labas ng tindahan ay naririnig kong nagtatawanan ang mga tambay at sugarol sa lugar na iyon.  “Hahaha, meron na namang sakla at terembe dito sa riles, ayos!” sabi ng isang mamang naninigarilyo habang nagtotong-its.

Habang ang evening “Flash Report” sa T.V. ay umaalingawngaw sa aking pandinig tungkol sa recent SWS Survey results na nangunguna pa rin ang alleged na corrupt na presidentiable sa posibleng manalo sa eleksyon sa Mayo. 

Mabuhay ang Pilipinas!
  

      









Comments

Popular posts from this blog

Ang tula ni Pilosopong Tasyo sa mga Rizalistang baliw

My life is like a rainbow